Masayang-masaya ang singer-social media personality na si Chloe San Jose matapos muling magwagi ang kaniyang boyfriend na si Carlos Yulo sa pandaigdigang kompetisyon sa gymnastics.
Matagumpay na nasungkit ni Yulo, na dalawang beses nang Olympian at double gold medalist, ang gintong medalya sa men’s vault final ng 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia noong Sabado, Oktubre 25.
Nakamit ni Yulo ang kabuuang average score na 14.866, matapos makapagtala ng 15.200 sa kaniyang piked Dragulescu at 14.533 sa ikalawang vault. Ang naturang puntos ay sapat para malampasan niya ang mga kalaban na sina Artur Davtyan ng Armenia (14.833) at Nazar Chepurnyi ng Ukraine (14.483).
Bukod sa gintong medalya, nakapag-uwi rin si Yulo ng bronze medal sa men’s floor exercise final noong Biyernes, Oktubre 24, matapos makapagtala ng average score na 14.533.
KAUGNAY NA BALITA: Golden Boy ulit! Carlos Yulo, nasungkit ang ginto sa men's vault sa world championship!
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Chloe ang labis na pagiging proud sa tagumpay ng jowa.
"The universe had grand plans and you answered the call. So grateful to walk this journey beside you, always, mahal ko," saad ni Chloe kalakip ang mga larawan nila ni Caloy habang nasa Indonesia.
Sa comment section, makikita naman ang tugon ditong "I love you" ni Carlos sa pamamagitan ng GIF.