Hiniling ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na i-certify as urgent ang Senate Bill 1215 na naglalayong bumuo ng Independent People’s Commission (IPC).
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights nitong Miyerkules, Oktubre 22, sinabi ni Pangilinan na sasaklawin umano ng IPC ang lahat ng proyektong may kinalaman sa imprastruktura sa lokal man o pambansang lebel.
“Sisiguraduhin ang pananagutan sa mga proyekto tulad ng edukasyon, agrikultura, flood control, disaster resilience at iba pa,” saad ni Pangilinan.
Dagdag pa niya, “Komposisyon nito ay may limang miyembro na magkasamang hihirangin ng kongreso at ng hudikatura para tiyak ang kalayaan mula sa executive.”
Ayon sa senador, bibigyan lang ng 60 araw ang komisyon para mag-imbestiga sa mga anomalya.
“At ang mga natuklasan ay maisasapubliko sa loob ng 30 araw. Dahil ang pagkaantala ng katotohanan ay pagkait ng hustisya,” dugtong pa niya.
Kaya apela ni Pangilinan, “Hinihiling natin sa Pangulo na rin na i-certify as urgent itong panukalang batas na ito.”
Matatandaang inihain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang nasabing panukalang batas noong Agosto 2025 para siyasatin ang mga katiwalian sa likod ng imprasktrukturang proyekto ng gobyerno.