Sino nga ba ang kapuwa aktres ni Julia Montes na tinutukoy niya sa isang panayam na sinungitan niya raw?
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Lunes, Oktubre 20, napag-usapan ang panayam kay Julia ni DJ Chacha kamakailan.
Sa panayam na ito, nausisa si Julia kung may nakompronta na ba siyang babae na umaaligid sa partner niyang si Kapamilya Primetime King Coco Martin.
“Hindi ko siya kinausap,” sabi ni Julia. “Pero pinaramdam ko. Kasi wala nang point para kausapin ko siya. [...] Super warm ako, e. Alam kapag okay ako sa ‘yo o hindi. So, hindi rin ako plastic. Hindi ako showbiz.”
Dagdag pa ng aktres, “‘Pag hindi ako okay sa ‘yo, hindi kita papansinin. [...] Nag-hi siya. [Sabi niya] ‘Hi po.’ E, ka-batch ko lang. ‘Excuse me. Maka-po ka naman,’ [sabi ko] with smile.”
Matapos itong mapanood ni showbiz insider Ogie Diaz at ng iba pa niya co-host sa kaniyang showbiz-oriented vlog, isiniwalat niya aktres na tinutukoy ni Julia.
“Ang itinuturo nga na babae na pinapatungkulan ni Julia ay si Yassi Pressman kung saan si Yassi ay nakasama ni Coco sa ‘Ang Probinsiya’ noon,” anang showbiz insider.
Matatandaang sa kasagsagan ng pag-ere ng “Ang Probinsiya” noong 2018 ay lumutang ang video clip kung saan mapapanood ang tila paghalik ni Coco sa kaniyang co-star sa set ng nasabing teleserye.
Ngunit nilinaw naman niya sa isang panayam na hindi raw niyang hinalikan si Yassi.
“[B]eso-beso lang ‘yon,” sabi ng Kapamilya Primetime King.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang pahayag o reaksiyon si Yassi kaugnay sa pasabog ni Julia.