Muling iginiit ni Sen. Joel Villanueva sa mga kapwa miyembro ng "Jesus Is Lord (JIL) Church" na wala siyang kinalaman sa maanomalyang flood control projects, sa naganap na pagdiriwang ng 47th anniversary nito noong Sabado, Oktubre 18, sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Maynila.
Sa mensahe, ipinagdiinan ni Villanueva na kaya niyang tingnan "mata sa mata" ang mga kaanib sa simbahan, dahil wala siyang kinalaman sa usapin ng flood control.
"Kaya ko pong tingnan ang bawat isa sa inyo dito mga kapwa ko JIL, mata sa mata, wala tayong flood control! Hindi tayo sangkot sa katiwalian! Hindi kayang bilhin ng salapi ang ating prinsipyo, na paglingkuran ang Diyos, at ang ating bayan."
"May resibo po tayo diyan. May resibo po tayo ngunit gusto kong sabihin sa kalagitnaan ng Luneta Grandstand, kaming mga JIL people, we sincerely believe that if God is with us, no one, nothing and no circumstances here on earth can be against us!" aniya.
Matatandaang sa pagsisimula pa lamang ng pag-usbong ng isyu sa korapsyon sa flood control projects ay nabanggit na ang pangalan ng senador nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineer Henry Alcantara at Brice Hernandez, na mariin naman niyang pinabulaanan.
"Wala po ako kailanman naging flood control project. Hindi ko po sasabihin na I categorically deny this accusation dahil po may resibo po tayo. Puwedeng iberipika kung bakit ito nangyayari," saad ni Villanueva.
Dagdag pa niya, “I will never betray my principle. I will never, ever, destroy the name that was given to me by my parents, Mr. President, because it’s priceless.”
Sinabi rin ni Villanueva na wala siyang itinatago at nakahanda siyang magpaimbestiga kung kinakailangan.
"I am ready Mr. President [Tito Sotto III] and my office to be investigated, that the truth may come out," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: 'I am fully prepared to be investigated, I have nothing to hide!' sigaw ni Sen. Joel
KAUGNAY NA BALITA: Pagdawit ni Alcantara sa kaniya, 'mema lang!'—Sen. Joel Villanueva