Nakahanda raw si Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na ipakita sa lahat ang kopya ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) niya, bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na maging transparent sa publiko ang mga opisyal ng pamahalaan kontra korapsyon.
Sa panayam ng DZRH kay Remulla, Huwebes, Oktubre 16, sinabi niyang wala siyang nakikitang problema kung ipabubukas niya ang nilalaman ng kaniyang SALN; iginiit din niyang unang-una, hindi naman umano siya ang kinukuwestyon patungkol sa korapsyon.
"Oo, ibibigay ko ‘yong SALN ko. Paglabas ng lahat, lalabas din ‘yong akin, hindi problema ‘yon," aniya.
"Ako ba ang on trial dito? Hindi ako ang on trial pero sige. Kung ‘yan ang gusto n'yo, gagawin ko," dagdag pa niya.
Giit din ng Ombudsman, talaga naman daw dapat na ipabulatlat ang SALN upang makuha pa rin ang tiwala ng publiko sa mga opisyal ng pamahalaan.
"Dapat lahat talaga willing. Accountability document ‘yan eh, kaya inimbento ‘yang SALN at lifestyle check document para puwede natin tingnan ‘yong tao kung totoo ‘yong sinasabi," paliwanag ni Boying.