January 05, 2026

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Bakit importante ang pagkakapon sa mga pusa?

ALAMIN: Bakit importante ang pagkakapon sa mga pusa?
Photo courtesy: Pexels, Veterinary Services Department of Pasig (FB)

Pinanawagan kamakailan ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila sa mga local government unit (LGU) ang importansya ng pagpopondo ng pagkakapon sa mga aso at pusa sa mga komunidad. 

“Ito ang dapat i-institute ng lahat ng LGU [at] badyetan. Budgeting for spaying, neutering ng aso at pusa para hindi dumami at ma-manage ang population. 'Yon ang dapat, bawat LGU,” saad ni Davila sa “TV Patrol” ng ABS-CBN noong Lunes, Oktubre 7.

Ibinahagi rin ng batikang mamamahayag sa kaniyang X account na sa pamamagitan ng pagkakapon, masosolusyonan na rin ang paglobo ng populasyon ng mga hayop na walang inuuwiang tahanan. 

“[L]et’s control pet overpopulation. This also lessens pet homelessness. Bawas sakit pa sa ating mga aso at pusa,” aniya sa nasabing post.

Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Tips para sa ‘pet-safe’ na pagsalubong sa Bagong Taon

KAUGNAY NA BALITA: Karen Davila, umapela sa LGU na pondohan pagpapakapon sa mga aso't pusa

Sa pagdaraos ng Global Cat Day, alamin kung ano ang pagkakapon at bakit ito importante para sa mga pusa. 

Ayon sa The Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ang pagkakapon ay tinatawag ring “spay” para sa mga babaeng hayop, at “neuter” naman para sa mga lalaking hayop, ay ang pagtatanggal ng kanilang reproductive organs para maiwasan ang hindi inaasahang pagdami, na maaaring magresulta sa pagaabandona at pagkapabaya. 

Dahil dito, ang pagkakapon ay makatutulong din na mailigtas ang milyon-milyong mga aso at pusa na sumasailalim sa euthanisia o mercy killing taon-taon, (American Veterinary Medical Association (AVMA)). 

Bukod pa rito, ang pagkakapon ay mayroon ding health benefits para sa mga alagang hayop na makatutulong para magkaroon ito ng mas malusog at mahabang buhay. 

Ang health benefits ng pagkakapon ay ang mga sumusunod, ayon sa PAWS: 

- Mas mababang tyansa ng breast cancer at pyometra sa mga babaeng alaga. 

- Pag-iwas sa testicular cancer para sa mga lalaking alaga. 

- Pagkawala ng kanilang heat cycles at pagkakaroon ng behavioral changes. 

- Paglilimita sa nakaugaliang spraying at marking

- Paglilimita sa mga dog o cat fight sa mga lalaking hayop. 

Kailan dapat ipakapon ang alagang hayop? 

Ayon sa American Society for the Prevention of Cruelty to Animals (ASPCA), para sa mga pusa, maaari na itong ipakapon simula sa ikawalo nitong linggo. 

Para rin daw mabawasan ang tyansa na ito’y mabuntis at maiwasan ang pagsisimula ng “urine spraying,” inaabiso na simulan ang pagpakakapon bago pa umabot ang alagang pusa sa limang buwan. 

Posible rin daw na ipakapon ang alaga habang siya ay “in heat.” 

Ang pagkakapon sa alagang pusa ay parte ng pagiging responsableng fur-parent dahil isinasaalang-alang dito ang kalusugan hindi lamang ng alaga, kung hindi maging ang mga posibleng kuting nito. 

Bukod sa pag-iwas sa pet overpopulation, matutulungan din ng pagkakapon na mapangalagaan ang mga miyembro ng komunidad mula sa potensyal na pangangagat ng mga agresibong stray cats at impeksyon sa rabies mula rito. 

Sean Antonio/BALITA