Ang isyu ng katiwalian sa Pilipinas ay muling nabunyag matapos ang paglutang ng umano’y anomalya sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Sa halip na magsilbing proteksyon laban sa baha at kalamidad, naging simbolo ang mga proyektong ito ng labis na pagnanakaw at pang-aabuso ng kapangyarihan.
Lumabas sa mga ulat na trilyong piso ang nailaan para sa mga proyekto ngunit marami sa mga ito ay papel lamang o di kaya’y iniwan sa kalahati. Tinatawag itong "ghost projects."
Dahil dito, nananatiling vulnerable ang mga komunidad sa pagbaha habang ang pondo na dapat ay para sa kaligtasan ng mamamayan ay napupunta sa bulsa ng marami. Ang ganitong uri ng katiwalian ay hindi lamang nagdudulot ng pagkasira ng tiwala sa gobyerno kundi nagpapakita rin ng kakulangan ng malasakit at integridad ng ilang opisyal na inuuna ang sariling interes kaysa sa kapakanan ng bayan.
Kaya naman, posible umanong may diperensya sa pag-iisip o sa utak ang mga taong korap, lalo na raw sa mga politikong nasasangkot sa umano’y maanomalyang flood control project scam.
Sa viral Facebook post nga ng doktor at social media personality na si Doc Alvin Francisco noon pang Setyembre 28, na patuloy pa ring pinag-uusapan ngayon dahil wala pang nananagot sa mga umano'y sangkot, ipinaliwanag niyang may bahagi sa utak ng tao na tinatawag na reward center, na na-aactivate kapag nakakamit ng isang tao ang kaniyang mga nais.
Sey ni Doc, upang manatiling maayos ang balanse ng pag-iisip, dapat ay gumagana rin ang prefrontal cortex, ang bahagi ng utak na nagsisilbing kontrol o nagsasabi kung kailan sapat na.
Kaya naman, sa sitwasyon ng mga kurakot posible raw na hindi gumagana nang maayos ang prefrontal cortex kaya walang pumipigil sa kanila sa paulit-ulit na pagnanakaw ng kaban ng bayan.
Aniya, hindi raw pera ang tunay nilang hinahangad kundi ang thrill o saya sa tuwing nakakapanloko sila nang hindi nahuhuli.
Nilinaw naman niyang hindi ito isang sakit na nangangailangan ng gamutan dahil sa huli, may kapangyarihan pa rin silang pumili ng tama o mali sa kanilang mga desisyon sa buhay.
“Trabaho natin na bantayan, singilin at panagutin ang mga sangkot dahil hindi lamang pera ang nawawala, apektado rin ang kalusugan ng mga Pilipino,“ giit pa niya.