December 13, 2025

Home BALITA National

60% ng mga Pilipino, 'nasusuklam' sa patuloy na korapsyon — OCTA Research

60% ng mga Pilipino, 'nasusuklam' sa patuloy na korapsyon — OCTA Research
Photo courtesy: MB


Isiniwalat ng OCTA Resarch na 60% umano ng mga Pilipino ay “nasusuklam” o sobra ang galit pagdating sa malawakang korapsyon na lumalaganap sa bansa.

Ibinunyag ng Founder at President ng OCTA Resarch na si Prof. Ranjit Rye sa isang panayam nitong Miyerkules, Oktubre 15, na marami umanong dahilan kung bakit ito ang naging resulta ng nasabing pag-aaral.

“Unang-una, konteksto muna. ‘Yong survey naming ginawa, iyong questions namin ginawa first week ng September. Tapos ‘yong actual pag-aaral, ginawa noong September 25 to 30, so relatively new ito. 1200 respondents, all-around the country,” ani Rye.

“So medyo representative itong sample na ‘to, and importante sa mananaliksik, sa mga kagaya namin sa UP at saka ‘yong mga kasama namin sa OCTA, na makuha natin ‘yong pulso ng ating bayan, during important periods sa ating kasaysayan. So importante ‘yong period na ‘yon e, ‘di natin alam kung mabubuo ang ICI, na-cover niya ‘yong period ng malaki nating rally noong September 21, pero noong binubuo namin ‘yong mga tanong, gusto naming malaman kung ano pa ‘yong nararamdaman ng ating mga kababayan, tungkol sa mga isyu na ito,” dagdag pa niya.

Saad pa ni Rye, “Ano bang unang lumabas sa aming survey? Number 1 finding… Kahit na matatamaan siya politically, matibay ang suporta para kay PBBM hakbang niya laban sa katiwalian, 83%. Sabi nila tama ‘yong ginawa ni PBBM, na ibinulgar niya ‘yong katiwalian sa gobyerno.”

Inilahad niya rin kung gaano kahalaga ang resultang ito para sa magiging aksyon ng gobyerno sa bansa.

“Ang tanong namin, ano ba ang nararamdaman ng mga kababayan natin kapag napapakinggan nila ang katiwalian, lalo na itong isyu ng flood control projects scandal? Ang lumalabas, 60% ang nakakaramdam ng ‘pagkasuklam,’ sobrang galit, importante ‘yang feeling na ‘yan, kasi ‘yan ang puwedeng maka-disenyo ng programa, ng response ng gobyerno, ‘yong civil society, based on how we understand itong mga nangyayari sa ating kapaligiran,” aniya.

Ibinahagi niya ring 30% ang nakaramdam ng takot at pangamba, 9% ng lungkot at dismaya, at 1% naman ng mga respondents ay “optimistic” umano hinggil sa isyu.

Inilahad niya rin kung ano nga ba ang naging papel ng Millenials at Gen Z, upang lumabas ang nasabing resulta.

“Tingnan mo ‘yong age distribution niyan, chunk ng ating population ay Millenials at Gen Z. Ang lumalabas, doon sa age distribution, mas mataas sa national average ‘yong nakikita natin sa kanila, more than 60%, 64%, 67%,” aniya.

“So ang ibig sabihin, mas galit ‘yong mga nasa age group na ‘yan. At given na malaki ang prosyento nila, sila ho ang ang nakikita nating nagda-drive ng movement na ‘yan, na anti-corruption,” dagdag pa niya.

Mapatutunayan din daw ito dahil makikita sa ilang nagdaang rally, puro mga “bata” ang nagsipunta sa mga iyon.

Lumalabas din daw na may “distrust” ang mga Pinoy pagdating sa tradisyonal na institusyong politikal, kung kaya’t nais ng mga ito na isang independent na komisyon ang mag-imbestiga sa isyu ng anomalya sa flood control, at hindi ang Senado o ang mababang kapulungan.

Matatandaang sinagot ng Palasyo kamakailan ang panawagan at hinaing ng mga Pinoy hinggil sa pagkakakulong ng mga may kinalaman sa malawakang korapsyon sa bansa.

“Kalma lang! Hindi po kasi ito nadadaan sa agad-agaran. Siguro bilang lawyer, na ako ay mismong humahawak ng mga kaso at ako po ay humaharap mismo sa Korte, kaya alam ko po kung paano ba magpresenta ng isang ebidensya,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: 'Kalma lang!' Palasyo, sinagot mga Pinoy na gigil nang may makulong sa korapsyon-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA