December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

Phivolcs, naglabas ng pabatid sa pagtaas ng seismic activity ng Bulkang Bulusan

Phivolcs, naglabas ng pabatid sa pagtaas ng seismic activity ng Bulkang Bulusan
Photo courtesy: MB File Photo

Umabot sa pitumpu’t dalawa (72) ang naitalang lindol na may kaugnayan sa bulkan ng Bulusan mula alas-12:00 ng madaling-araw noong Oktubre 11, 2025, batay sa inilabas na notice of the increase in seismic activity ng nabanggit na bulkan sa Sorsogon. 

Batay sa pabatid ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), araw ng Linggo, Oktubre 12, ang mga lindol na ito, na tinatawag na volcano-tectonic (VT) earthquakes, ay may kaugnayan sa pagbitak ng mga bato at nagaganap sa lalim na mas mababa sa 10 kilometro sa hilagang bahagi ng bulkan.

Ang pagbuga ng gas mula sa mga aktibong butas ng bulkan ay mula sa napakahina hanggang sa mahina sa mga panahong naging malinaw ang tanawin ng bulkan nitong mga nakaraang araw.

Ang sukat ng sulfur dioxide o SO₂ na inilalabas ay naitala sa karaniwang 31 tonelada bawat araw, na nasukat noon pang Oktubre 9, 2025. Ito ay mas mababa sa baseline na 200 tonelada bawat araw. Ipinahihiwatig ng mga datos na ito ang mababaw na aktibidad na hydrothermal sa ilalim ng bulkan.

Probinsya

Higit ₱10M halaga ng marijuana, nasabat sa Ilocos Sur

Batay pa sa Phivolcs, nananatili sa Alert Level 1 (mababang antas ng pag-aalburuto) ang Bulkang Bulusan, ngunit sa kasalukuyan ay may mas mataas na posibilidad ng mga steam-driven o phreatic eruption na maaaring magmula sa bunganga o sa mga aktibong bitak sa tuktok ng bulkan. Ang mga ganitong pagsabog ay maaaring mangyari nang biglaan at walang babala.

Pinaaalalahanan ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at na dapat maging mapagmatyag sa loob ng 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan dahil sa mga posibleng epekto ng mga panganib na dulot ng bulkan tulad ng pyroclastic density currents (PDCs), mga batong tumilapon, pagguho ng bato, pagbagsak ng abo, at iba pa sa mga lugar na ito.

Ang mga komunidad na makararanas ng pag-ulan ng abo ay pinapayuhang gumamit ng mga pananggalang sa paghinga tulad ng mask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo. Dapat ding bigyang pansin ang mga nanganganib na sektor tulad ng mga matatanda, may sakit sa paghinga o puso, mga buntis, at mga sanggol.

Ang mga awtoridad sa civil aviation ay pinapayuhang ipaalala sa mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan, dahil ang abo mula sa biglaang phreatic eruption ay maaaring makapinsala sa mga eroplano.

Dagdag pa rito, ang mga nakatira sa mga lambak at kahabaan ng mga ilog o sapa, lalo na sa kanlurang bahagi ng bulkan, ay dapat maging mapagmatyag laban sa pag-agos ng putik o lahar kapag may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan kung sakaling maganap ang phreatic eruption.

Mahigpit na mino-monitor ng Phivolcs ang kalagayan ng Bulkang Bulusan, at anumang bagong update ay agad na ipaaabot sa mga kinauukulan.