Nagimbal ang bansa sa sunod-sunod na pagyanig ng malalakas na lindol sa iba’t ibang probinsya sa bansa kamakailan.
Isa sa mga ito ay ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, gabi ng Martes, Setyembre 30, kung saan, ang epicenter nito ay nasa Bogo City.
Sumunod ang magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental noong umaga ng Biyernes, Oktubre 10, na agad sinundan ng magnitude 6.8, kinagabihan, na tinawag na “doublet” o twin earthquakes.
Sabado, Oktubre 11 ay muling niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang Manay, Davao Oriental.
Sa parehas na araw, nakaranas din ng magnitude 5.0 na lindol ang Cabang, Zambales, at sa Surigao del Sur naman sa lakas na magnitude 6.2.
Sa mga pangyayaring ito, inabiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang kahandaan ng publiko para matiyak ang kaligtasan bago, sa kasagsagan, at pagkatapos ng lindol.
Dahil dito, narito ang mga dapat isipin ang gawin kung sakaling makaranas ng paglindol:
Bago ang lindol
Ayon sa Phivolcs, unang-una, mahalagang maging kalmado para maayos na makasunod sa mga paalala.
Mahalaga rin na maghanda ng “Emergency Go Bag” na isang pre-packed kit na naglalaman ng mga kagamitan na tatagal sa kasagsagan o pagkatapos ng sakuna.
Kadalasan, ang Go Bag ay inaabisong may lamang:
- First Aid Kit
- Gauze pads
- Alcohol pads o wipes
- Mga baterya
- Thermal blanket o kumot
- Flashlight
- Whistle o pito
Kasagsagan ng lindol
Para sa mga nasa loob ng establisyimento tulad ng bahay, paaralan, o opisina, binanggit ng Phivolcs na manatili sa loob kapag nakaramdam ng pagyanig at gawin ang “duck, drop, cover, and hold” procedure.
Inabiso rin ng ahensya na umiwas sa mga bagay na babasagin o mabibigat, na maaaring bumagsak o tumalsik.
Para naman sa mga nasa open area o nasa labas ng kalsada, inaabisong umiwas sa mga poste ng kuryente, pader, at puno, na maaaring bumagsak o gumuho dahil sa pagyanig.
Kung nasa tabing-dagat, mabilis na lumikas at pumunta sa mas mataas na lugar dahil sa banta ng tsunami.
Kung naabutan naman ng paglindol habang nagmamaneho, mariing ipinagbawal ng Phivolcs ang pagtawid sa tulay at flyover, bagkus, inabiso ng ahensya na itabi at ihinto ang sasakyan, mapa-motor man ito o sasakyan.
Pagkatapos ng lindol
Maiging tignan ang sarili at mga miyembro ng pamilya sa mga posibleng sugat na natamo, at maging mapagmatyag para sa mga posibleng aftershock.
“Matapos ang pagyanig, piliin ang pinakaligtas at pinakamabilis na daan palabas ng bahay o gusali,” saad ng ahensya.
Gayundin ang pagmamatyag sa mga nasirang linya ng tubig at kuryente, at suriin kung may mga natapon na nakalalason at madaling magliyab na kemikal.
“Suriin ang mga linya ng tubig at kuryente. Kung may nakitang sira, isara agad ang main switch at ipaalam sa kinauukulan,” dagdag pa ng ahensya.
Inabiso rin ng Phivolcs na iwasan ang paggamit ng elevator matapos ang paglindol, at patuloy na makinig sa mga anunsyo at balita gamit ang radyong de-baterya.
Higit sa lahat, binanggit ng ahensya na mahalaga ang manatiling kalmado para matiyak ang maayos na pag-iisip at paggawa ng desisyon, at patuloy na kaligtasan.
Sean Antonio/BALITA