Inihayag ni Davao Oriental Gov. Nelson Dayanghirang na kumpirmadong mula sa Mati City ang unang casualty na naiulat bunsod ng pagtama ng magnitude 7.4 na lindol sa kanilang probinsya.
KAUGNAY NA BALITA: Phivolcs, ibinaba pa sa magnitude 7.4 ang nangyaring lindol sa Davao Oriental
Sa panayam ni Dayanghirang sa Balitanghali nitong Biyernes, Oktubre 10, 2025, nabagsakan umano ng parte ng kanilang bahay ang biktima.
"Mayroon na kaming confirmed dito sa City of Mati na casualty. Nabagsakan siya ng part ng bahay," saad ni Dayanghirang.
Iginiit din niyang marami umano sa kanilang lugar ang nakaranas na rin ng landslide at wala na rin daw kuryente.
"May mga part kami na may landslide na. May mga part kami na wala nang ilaw. May ibang structure na may mga damage na. Patuloy pa rin ang assessment namin," anang gobernador.
Samantala, sa hiwalay na ulat ni Davao Oriental 2nd district Rep. Cheeno Almario, isang katao pa ang umano'y nasawi bunsod ng napaulat na pagyanig sa kanilang lugar kung saan sinasabing inatake umano sa puso ang isang biktima matapos siyang magpanic.
MAKI-BALITA: Davao Oriental solon, nananalangin para sa kaniyang mga kababayan
Patuloy naman ang beripikasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagkakakilanlan ng mga biktima at kung may iba pa umanong nasawi bunsod ng pagtama ng lindol.