Kasalukuyan umanong nagpapagaling sa ospital ang lider at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon sa mga ulat, ibinahagi ng BJMP sa midya nitong Martes, Setyembre 30, 2025, ang pagkakadala kay Quiboloy dahil sa hirap umano siyang huminga.
“BJMP confirms that PDL Apollo C. Quiboloy was rushed to a public hospital on 11 September 2025 due to difficulty in breathing,” ayon sa mensaheng ipinadala ni BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera sa GMA News Online.
Ayon pa sa BJMP, lumabas na nagkaroon ng Community Acquired Pneumonia (moderate risk) si Quiboloy.
Ipinaalam naman umano agad ng BJMP ang kalagayan ni Quiboloy sa Pasig City Regional Trial Court (TRC) Branch 153 at binigyan nito ng pahintulot ang pagpapagaling ng pastor.
Samantala, stable na umano sa ngayon ang kalagayan ng pastor at tiniyak ng BJMP na ibabalik siya sa Pasig City jail sa panahong ilalabas na siya sa ospital.
Matatandaang nasa 2,000 Philippine National Police (PNP) personnel ang pumasok sa compound ng KOJC sa Davao City noong Agosto 24, upang isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy at iba pang kasama nito.
KAUGNAY NA BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy
Setyembre 8, 2024, inanunsyo ng noo’y Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary na si Benhur Abalos ang opisyal na pagkakahuli kay Quiboloy.
Nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”
MAKI-BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga
Mc Vincent Mirabuna/Balita