Niyanig ng isang malakas na lindol ang ilang bahagi ng Kabisayaan nitong Martes ng gabi, Setyembre 30, 2025, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-9:59 ng gabi.
May lakas na magnitude 6.7 ang lindol na may lalim na 10 kilometro, at natukoy ang epicenter nito sa layong 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, Cebu (11.09° Hilagang Latitud, 124.13° Silangang Longhitud).
Batay sa reported intensities, naramdaman ang lindol sa San Fernando, Cebu (Intensity III) at sa Laoang, Northern Samar (Intensity II).
Samantala, ayon sa instrumental intensities na naitala ng Phivolcs, umabot sa Intensity VI ang pagyanig sa Cebu City at Villaba, Leyte.
Bandang 10:24 ng gabi, niyanig ulit ng lindol ang Bogo City na may magnitude 5.0.
Naramdaman naman ang magnitude 3.8 na lindol sa Tabogon, Cebu bandang 10:39 ng gabi.
Patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang nasabing aktibidad at nagpaalala sa publiko na maging mapagmatyag sa mga posibleng aftershocks.