Sinagot ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Riddon ang tila naunang banat sa kaniya ni CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva sa isang church preaching noong Sabado, Setyembre 27, 2025.
Sa kaniyang Facebook post noong Sabado rin, ibinahagi ni Riddon ang clip ng nasabing preaching ni Villanueva kung saan mapapanood na naka-flash sa screen ang mukha niya at ni Engr. Brice Hernandez at saka siya pinasaringan.
"’Yan, ‘yan...nagkamali ka bata. Baka akala mo makakatakas ka sa sumpa ng Diyos? Pasalamat ka na-born again si Bro. Eddie,” ani Villanueva.
Sumagot naman pabalik si Riddon sa pamamagitan ng caption ng nasabing video.
“I mean baka makulong talaga si Sen. Joel brother Eddie kahit isumpa mo pa ako,” saad ni Riddon.
Matatandaang si Hernandez ang nagbunyag na umano’y tumanggap si Senador Joel Villanueva ng kickbacks mula sa mga kuwestiyonableng flood mitigation projects.
“Tama si Senador [Ping] Lacson, ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang,” saad ni Hernandez. “Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara.”
Ayon kay Hernandez, pumalo sa ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang ₱600 milyon naman ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects
Binigyang-diin din ni Ridon sa comment section ng naturang post na hindi lamang si Hernandez ang saksi na nagdawit sa senador. Aniya, binanggit din ng tinaguriang dating “boss” ni Hernandez na si Henry Alcantara ang pangalan ni Senador Villanueva sa kanyang mga testimonya.
“Mahalagang balikan ang sworn affidavit at testimonya ni Henry Alcantara para malaman na hindi lamang si Brice Hernandez ang nagdadawit kay Sen. Villanueva sa flood control corruption,” ayon sa chairman ng infrastructure commission.