Tila alam ng kontrobersiyal na construction company contractor na si Sarah Discaya na marami nang naglalabasang memes patungkol sa kaniya, simula nang sumabog ang malaking isyu ng maanomalyang flood control projects.
Sa ulat ng News 5, nagbitiw raw ng banat si Discaya habang papaalis sa Department of Justice (DOJ) nitong Sabado, Setyembre 27, matapos silang magtungo ng mister na si Curlee Discaya sa ahensya, para sa aplikasyon sa Witness Protection Program (WPP) at ng kanilang pagsusumite ng karagdagang ebidensya kaugnay ng isyung kinasasangkutan.
Ang witness protection ay isang programa kung saan poprotektahan ang kanilang seguridad at banta sa buhay, kasama ng iba pang mga saki, habang patuloy na isinisiwalat ang mga nalalaman nila tungkol sa isyu, ngunit hindi nangangahulugang "state witness" na sila.
Saad sa ulat, nahingan ng pahayag ang misis na Discaya bago siya umalis ng DOJ, at sinabi niyang sana raw ay gandahan ng mga netizen ang gagawing memes sa kaniya.
"Gandahan n'yo 'yong memes ko," saad daw ni Discaya.
Bukod dito, pinag-usapan din ang pag-finger heart niya bago pumasok sa loob ng DOJ.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Feeling safe na?’ Sarah Discaya, binakbakan sa ‘finger heart’
Isa sa mga memes na pinag-uusapan ngayon ay ang pagkuha niya ng dalawang cans ng softdrinks sa Senate Blue Ribbon Committee hearing kamakailan.
Isa sa mga nag-react dito ay si Kapamilya actress Bela Padilla.
"Siguro pwede naman humingi ng isa pang coke pag naubos yung una, para lahat mabigyan muna no?" aniya.
"Dito [pa lang] kitang-kita mo na eh," saad pa ng aktres.
KAUGNAY NA BALITA: 'Dito pa lang kitang-kita na eh!' Bela Padilla, binanatan si Sarah Discaya dahil sa softdrinks
Matatandaang kinuwestyon din ng mga netizen ang pag-inom ng soda ni Discaya gayong ang kine-claim niya ay may iniinda siyang diabetes at heart condition, batay sa sinabi ng kaniyang mister.
Bukod sa memes, inaabangan din ng mga netizen ang parody sa kaniya ng Kapuso comedy genius na si Michael V, na ginagaya siya.
KAUGNAY NA BALITA: 'May sasabihin pa siya!' Ciala Dismaya lumantad na, may payong pa