Tuluyan nang ni-reveal ang final look ni "Bubble Gang" comedian at tinaguriang "Comedy Genius" na si Michael V para sa spoof niya kaugnay sa kontrobersiyal na kontraktor na si Sarah Discaya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Hearing ongoing’ Paolo, pinasilip bagong parody ni Michael V.
Pati ang pangalan niya, inilabas na rin, batay sa Instagram post ng GMA Network.
Ang magiging pangalan niya: "Ciala Dismaya!"
At take note, may hawak pa siyang "payong" na naging kontrobersiyal pa nga dahil sa rason daw ni Discaya sa pagbili ng isang luxury car.
"May sasabihin pa siya!" mababasa sa caption ng Bubble Gang.
Matatandaang sa unang pagdalo ni Sarah sa ikalawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committe kaugnay sa maanomalyang flood control projects ay napansin ng netizens ang pagkakahawig niya kay Bitoy.
Kaya naman, hiniritan ng mga netizen si Bitoy na baka puwede siyang gumawa ng parody tungkol dito.
MAKI-BALITA: Michael V 'nakaladkad' dahil kay Sarah Discaya: 'Gawan ng parody!'
Sangkot si Sarah, gayundin ang mister na si Curlee Discaya, sa mga kompanyang nasa listahan ng top 15 contractor companies na pumaldo sa umano'y maanomalyang flood control projects ng gobyerno ayon mismo sa inilabas na datos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Anyway, inaasahang marami ang mag-aabang sa Bubble Gang sa Linggo, Setyembre 14, dahil dito.