December 12, 2025

Home BALITA

'Puro talaga senador tinuturo?!' Sen. Chiz pumalag sa pandadawit sa kanila sa flood control projects

'Puro talaga senador tinuturo?!' Sen. Chiz pumalag sa pandadawit sa kanila sa flood control projects
Photo courtesy: via Senate of the Philippines

Inalmahan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang affidavit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na nagdadawit sa kanila sa maanomalyang flood control projects.

Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Setyembre 25, 2025, kinuwestiyon ni Escudero ang tila kawalan umano ng pangalan ng ilang kongresista sa nasabing affidavit kung saan tatlong senador ang pinangalanang sangkot sa naturang maanomalyang proyekto.

“Puro talaga senador ang tinuturo?! Nasaan si Zaldy Co? Nasaan na si Rep. Martin Romualdez sa lahat ng ito?! Nasaan ang mga kasabwat nya?! Kung babasehan natin ang testimonya ni Usec. Bernardo, wala sila lahat kasalanan o kinalaman dito. Di naman ata ito kapani-paniwala,” ani Escudero. 

Pinuna rin ni Escudero ang tila panglilihis aniya sa tunay na isyu.

Bato, masayang nakita ang apo

“Sobra naman nang paglilihis at paglayo nila sa tunay na salarin ang sarswelang ito!” anang senador. 

Tila planado raw ang pang-aatake sa Senado at mga senador upang masira daw ng kredibilidad nito.

Aniya, “It seems like there is a well-orchestrated plan to attack the Senate and its members to destroy and discredit the institution and to divert the public’s attention from the real perpetrators.”

Matatandaang ayon sa salaysay ni Bernardo sa Sante Blue Ribbon Committee hearing nitong Huwebes, tinatayang aabot umano mula ₱160 million hanggang ₱800 million ang naibigay niya para sa parte ni Escudero.

“I delivered 20% of approximately ₱800 million or about ₱160 million (to) Meynard Ngu which was meant for Senator Escudero,” ani Bernardo sa kaniyang affidavit. 

Sa isang bahay naman daw sa Quezon City inihatid ni Bernardo ang porsyento para kay dating senador at ngayo’y Makati City Mayor Nancy Binay. Habang papalo naman sa ₱125 million ang halaga ng kanilang ibinigay kay dating senador Bong Revilla na noo’y reelectionist para sa 2025 elections.

KAUGNAY NA BALITA: Escudero, Binay, Revilla, ikinantang humingi ng kickback sa budget ng flood control projects

Kaugnay nito, nauna nang pinangalanan sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva bilang mga senador na umano’y sangkot sa panghihingi pa rin ng kickback mula sa nasabing proyekto.

KAUGNAY NA BALITA:  Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects