Isa umanong dating sundalo ang lumantad sa Senado at ibinahagi ang sistema ng pagde-deliver daw nila ng mga male-maletang “basura” sa bahay nina dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa pagbabahagi ng affidavit ng nasabing dati umanong sundalo na si Orly Regala Guteza, binanggit niya ang “basura scheme” na paraan daw nila ng pagde-deliver ng pera nina Romualdez at Co.
Ayon kay Guteza, kabilang daw siya sa mga tagabuhat ng maleta ng basura na inihahatid sa bahay nina Romualdez at Co. kung saan ang ibig sabihin daw ng deliver ng basura ay pawang mga pera.
“Tagabuhat lang ako ng maleta ng basura. Ang ibig sabihin ng basura ay maleta na may lamang pera,” ani Guteza.
Tinatayang aabot daw sa ₱48 milyon ang halaga ng kanilang delivery.
Aniya, “Ang bawat maleta ay malamang humigit-kumulang ₱48 milyon.”
Kumbinsido rin daw si Guteza na pera ang laman ng kanilang delivery dahil mismong sa harapan daw nila ito binibilang ng isa pa umanong tauhan ni Co.
“Alam ko na ang laman ng bawat maleta ay pera sapagkat nakita ko si Paul na binuksan ang maleta at inilabas ang laman para bilangin,” giit ni Guteza.
Paglilinaw pa ni Guteza, mas maraming pagkakataon daw na naghahatid sila ng pera para kay Romualdez kumpara kay Co.
“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming mga naka-detailed na close in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” saad niya.
Matatandaang isa sina Co at Romualdez sa mga pangalan ng mga mambabatas na nilaglag ng mga Discaya na umano’y nanghihingi ng kickback sa halaga ng kontrata mula sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co