Nagawan ng solusyon ng isang Senior High School (SHS) breadwinner at graduate ang mga kadalasang “amoy mandirigmang” motorcycle helmet gamit ang kaniyang mega-milyonaryong helmet cleaning vendo machine.
Sa panayam ng programang DTI (Department of Trade and Industry) Asenso Pilipino kay Harold Denn Burgos, pinatunayan niyang ang estado at mga pagsubok sa buhay, maging ang edad, ay hindi hadlang para umangat.
Bago makagawa ng pangalan sa pagnenegosyo, si Harold ay ang naging breadwinner ng kanilang pamilya, at ibinahagi niya na sa paglaki, hirap ang kaniyang naranasan.
“Hindi po naisip kung paano ko na-survive at natapos ang Senior High School, kasi even pamasahe, pangkain, o pambayad sa projects, mahirap po talaga i-produce that time,” saad niya.
Ibinahagi rin niya na ang kaniyang ina ang sumuporta at tumaguyod sa kaniya hanggang siya’y makapagtapos ng SHS, ngunit sumakabilang-buhay ito noong COVID-19 pandemic.
“Nawalan po ako ng motivation. I stopped working and talagang nag-back to zero po ako,” aniya tungkol sa pagharap niya sa lungkot nang pagkamatay ng ina.
Gayunpaman, dahil sa financial constraint o kakulangan sa pera, kinailangan ni Harold na bumangon at magsimula ulit.
Ngayon naman na kilala na ang kaniyang pangalan sa larangan ng pagnenegosyo, bagama’t dala pa rin niya ang lungkot, lalo na’t hindi na naabutan ng ina ang kaniyang negosyo, ginamit niyang motibasyon at lakas ang ina para magyabong sa buhay.
“Actually nakakalungkot na sa pagkakataon sa buhay ko na I want to cherish, I want to share it with her kaso ‘yon nga, wala na siya. Masakit pa ‘yong pagkawala niya kasi biglaan, pagkagising ko, wala na siya. Sobrang sakit po no’n, walang bid ng good-bye at very challenging po ‘yon sa akin,” saad niya.
“Every day, every night, I dream of her. So talaga pong hindi nawawala sa akin, at talagang namo-motivate po ako. ‘Yon bang lagi niyang sinasabi sa akin, ‘magsikap ka, mahirap maging mahirap, ‘yon ang labanan sa mundo. Kailangan kumita, you need to make a mark in this world to earn,” dagdag pa niya.
Sa kabila rin ng hirap, nagpursige si Harold at ang kaniyang negosyong “Go Clean Helmet Cleaning Vendo” ang naging sole distributor at manufacturer ng helmet vendo sa buong bansa, na mayroon nang mahigit-kumulang 1,000 franchise.
Bukod pa sa pagiging negosyante, si Harold ay isa ring content creator at influencer, na naging malaking tulong sa promotion ng kaniyang negosyo.
Dahil para rin sa motorcycle riders ang “Go Clean,” kasama rin sa mga nililinis nito ay ang ilan pang kagamitan ng mga ito tulad ng jacket, bag, at sapatos.
Bilang isang youthpreneur na bumangon mula sa maraming pagsubok sa buhay, may isang advise na ibinahagi si Harold sa kabataan na gustong pumasok sa pagnenegosyo.
“Continue your passion and make a profit from it. Hindi tayo mapapakain ng passion lang, kailangan haluan mo ito ng paraan kung paano ka kikita,” pagbabahagi niya.
Sean Antonio/BALITA