Itinatag ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang isang special ministry para sa mga taong lansangan.
Inilarawan pa niya ang mga ito bilang “silently suffering Lazarus” sa kasalukuyang panahon, na dapat na bigyang-puwang sa Simbahan at Lipunan.
Nabatid na sa isang decree na inisyu noong Setyembre 15, inanunsiyo ni Advincula ang paglikha ng “Ministry with Persons in Street Dwelling Situations.”
Itinalaga naman ni Advincula si Fr. Francisco Nicolas Magnaye Jr. bilang ministro ng bagong tanggapan, na mag-o-operate sa ilalim ng Commission on the Service of Charity ng Archdiocese of Manila.
Magpopokus umano ang ministry sa paglikha ng isang multi-sectoral support system upang matugunan ang pangangailangan ng mga street dwellers.
Kabilang umano sa mga suportang ipagkakaloob sa mga street dwellers ay pagkain, crisis intervention, psychosocial services, edukasyon, healthcare, skills training, livelihood training, at maging legal services.
Isusulong rin umano ng ministry ang research, advocacy, at formation ng youth advocates.
Anang cardinal, ang goal ay hindi lamang makapagbigay ng tulong, kundi makabuo rin ng empowered communities na malayo mula sa pamumuhay sa lansangan.
“The Church is called to unite herself in the lived struggles of persons in street-dwelling situations,” ani Advincula.