Ikinanta ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara si Ako-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang isa umano sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23, sinabi ni Alcantara na nagpasok umano si Co ng ₱35.24 bilyon sa kabuuang halaga ng nasabing proyekto mula 2022 hanggang 2025.
“September 2021,” lahad ni Alcantara, “nagkakilala kami ni Cong. Zaldy Co sa isang pagtitipon sa Shangri-La Bonifacio. Doon ay napag-usapan namin ang planong sumubok na magbaba ng pondo para sa aming distrito para sa iba’t ibang proyekto.”
“Pagkalipas ng higit-kumulang isang buwan mula sa aming pagkikita, ako ay nagpasa sa kaniya ng listahan ng mga proyektong may kaugnayan sa flood control at ang mga proyektong ito ay lumabas sa General Appropriation Act (GAA) of 2022,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng dating district engineer, “Sa pagitan ng apat na taon, mula 2022 hanggang 2025, naging tagapagtaguyod si Cong. Zaldy ng mga proyekto sa Bulacan first [district]. Mahigit kumulang 426 na proyekto. Ang kabuuang halaga ng proyektong ito ay…hindi bababa sa ₱35.24 bilyon.”
Matatandaang nauna nang pinangalanan ng contractor na si Curlee Discaya si Co bilang isa sa mga matataas na opisyal na nakakatanggap umano ng malaking porsyento mula sa halaga ng kontrata sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Si Co ay dating chairman ng House Committee on Appropriations na kalaunan ay nagbitiw sa posisyon dahil sa kalagayan umano ng kaniyang kalusugan.
Maki-Balita: Rep. Zaldy Co, nagbitiw bilang chairman ng House Committee on Appropriations
Ayon sa huling balita mula kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, kasalukuyang nasa labas ng bansa si Co para umano sa medical treatment nito.
Maki-Balita: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox