Usap-usapan ang maiksing TikTok video ng dating ABS-CBN broadcast journalist na si Korina Sanchez-Roxas kay Sen. Rodante Marcoleta, na nagtatanong patungkol sa isang partikular na "Jinggoy."
Tanong ni Korina, "Tanong kay Ginoong Senador Marcoleta, 'Safe na ba talaga si Jinggoy?'"
Maya-maya, ipinakita ni Korina ang senador, na dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
"Palagay ko ang pinaka-safe na sagot diyan, ay abangan ang susunod na kabanata."
Ang nabanggit na TikTok video ay pasilip ni Korina sa panayam niya sa nabanggit na mambabatas.
SAFE NA BA TALAGA SI JINGGOY?
Bagama't walang direktang tinukoy kung sino ang "Jinggoy" na safe na, nagkakaisa ang mga netizen na ang tinutukoy rito ay si dating Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, na nasangkot ang pangalan sa umano'y maanomalyang kickback daw ng ilang government officials sa flood control projects.
Matatandaang tila hindi nagustuhan ni Estrada ang biro ni Marcoleta sa kalagitnaan ng pagdinig ng Senado sa isyu ng anomalya sa flood control projects noong Setyembre 8.
Sa pagbanggit ng contractor na si Curlee Discaya ng mga pangalan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang kongresista, itinanong ni Estrada kay Curlee kung wala umanong sangkot na senador sa kanilang ilegal na transaksyon.
“Your honor, wala po,” saad ni Curlee.
Matapos ang pagsagot ni Curlee, nagbitaw na ng biro kay Estrada si Marcoleta.
"Oh safe ka na,” saad ni Marcoleta.
"You know I resent that statement Mr. Chair. I resent that statement,” anang senador.
Muling biro ni Marcoleta, "Safe ka na."
"Mr. Chair, I moved that you strike of the record that..." saad ni Jinggoy.
Paglilinaw naman ni Marcoleta, "Eh alam mo namang biro lang 'yon, wala yon, wala 'yon.”
KAUGNAY NA BALITA: Jinggoy, ‘di nagustuhan biro ni Marcoleta sa Senate hearing?’ ‘I resent that statement!’
PASABOG NI ENGR. BRICE HERNANDEZ
Setyembre 9, pinasinungalingan naman ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez ang unang naging pagkaklaro ni Discaya na walang sangkot na mga senador sa maanomalyang proyekto.
Sa ginanap na pagdinig ng House Infrastructure Committee sa nabanggit na petsa, sinabi ni Hernandez na naging bagman umano siya kina Senador Joel Villanueva at Senador Jinggoy Estrada.
“Tama si Senador [Ping] Lacson, ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang,” saad ni Hernandez. “Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara.”
Ayon kay Hernandez, pumalo sa ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang ₱600 milyon naman ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador.
Agad na pinabulaanan ni Estrada ang akusasyon ni Hernandez na sangkot siya sa maanomalyang flood control projects.
"I categorically and vehemently deny the claims made by Brice Hernandez," anang senador.
"I challenge him. LET US TAKE A LIE DETECTOR TEST before the public para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo. Talk is cheap—handa akong patunayan na pawang mga kasinungalingan ang sinasabi niya tungkol sa akin," giit pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects
"TALAGANG SAFE KA NA!"—SEN. MARCOLETA
Sa naging imbestigasyon ulit ng Senado tungkol sa maanomalyang flood control projects noong Setyembre 18, nagkrus ang landas nina Estrada at Hernandez.
Inurirat ni Estrada si Mina Jose ng WJ Construction hinggil sa koneksyon nilang dalawa.
“Right now, you're saying na hindi mo ako kilala. Hindi ka nagpunta sa aking tanggapan?” tanong ni Estrada.
“Yes your honor,” ani Jose.
Paglilinaw pa ni Estrada, “So lumalabas talaga na wala kong kinalaman sa transaksyon ninyo ni Brice Hernandez?”
“Yes your honor,” muling tugon ni Jose.
Bunsod nito, muling sumingit si Marcoleta at inulit ang mga nabanggit na tanong ni Estrada, at saka muling biniro ang nadidiing senador.
“So talagang safe ka na,” ani Marcoleta.
KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, muling biniro si Jinggoy: ‘Talagang safe ka na!’
"HINDI PA CLEARED" —SEN. LACSON
Nilinaw naman ng bagong Senate Blue Ribbon Committee Chairman at Senate President Pro Tempore na si Panfilo “Ping” Lacson na hindi pa raw "cleared" sina Estrada at Villanueva sa isyung idinidikit sa kanila sa maanomalyang flood control projects.
“By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth ₱600M and ₱355M respectively, as alleged by Engr Brice Hernandez," sagot ni Lacson sa isang netizen na nagtanong tungkol dito, sa pamamagitan ng X.
KAUGNAY NA BALITA: Lacson, nilinaw na 'di pa 'cleared' sina Estrada, Villanueva sa isyu ng budget insertion