December 13, 2025

Home BALITA

Lacson, nilinaw na 'di pa 'cleared' sina Estrada, Villanueva sa isyu ng budget insertion

Lacson, nilinaw na 'di pa 'cleared' sina Estrada, Villanueva sa isyu ng budget insertion
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Nilinaw ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi pa raw abswelto sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva sa isyung idinidikit sa kanila sa maanomalyang flood control projects.

Sa pamamagitan ng kamiyang opisyal na X account na @iampinglacson, nagkomento ang senador sa isang X post na kinukwestiyon kung hahayaan na lang daw niya at ng Senado na makalusot sina Villanueva at Estrada.

“But what about the senators named @iampinglacson will they escape or will you and the @senatePH truly hold them accountable?” anang isang netizen.

Paglilinaw naman ni Lacson, “By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth ₱600M and ₱355M respectively, as alleged by Engr Brice Hernandez.”

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Matatandaang kasalukuyang mainit na nauugnay sina Villanueva at Estrada sa isyu ng flood control projects matapos silang ikanta ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineer Brice Hernandez sa hiwalay na imbestigasyon ng Kamara noong Setyembre 9, 2025. 

“Tama si Senador [Ping] Lacson, ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang,” saad ni Hernandez. “Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara.”

Ayon kay Hernandez, pumalo sa  ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang  ₱600 milyon naman ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador. 

KAUGNAY NA BALITA:  Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects

Samantala, matatandaang itinanggi na nina Villanueva at Estrada ang mga paratang sa kanila sa naging pagdinig ng Senado sa nasabing maanomalyang proyekto noong Huwebes, Setyembre 18.

KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, muling biniro si Jinggoy: ‘Talagang safe ka na!’