Ibinalandra ni Sen. Imee Marcos ang kaniyang “ghost project” statement shirt sa pagdalo niya sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hearing nitong Huwebes, Setyembre 18, 2025.
Sa panayam sa kaniya ng media, makikitang suot ng senadora ang isang kulay puting t-shirt na may nakalagay na “GHOST PROJECTS” na may larawan ng isang tila prohibited na baboy.
Nang tanungin ang senadora kung ano raw ang nais niyang malaman sa imbestigasyon, giit niya, “Oo, importante, kasi nagre-resign na ang iba't ibang opisyal. Hello, hindi kayo makakalusot!”
Saad pa niya, may mga anino pa rin daw ang mga ghost project at tila mga multo umanong pabalik-balik.
“May anino pa rin ang ghost project. Ang mga multo-multo ay bumabalik-balik,” anang senadora.
Hirit pa niya, “Nobody is safe.”
Matatandaang noong mga nakaraang araw ay gumawa ng ingay ang tila kapansin-pansing fashion style ng senadora matapos siyang magdala ng mga buwaya sa Senado.
Sa Facebook post niya noong Martes, Setyembre 16 na may caption na "Dapat ubusin natin sila!", ibinida ni Marcos ang isang malaking stuffed toy na buwaya na aniya’y ipinadala sa kaniya bilang simbolo ng laban kontra korapsyon.
KAUGNAY NA BALITA: 'Dapat puksain, makulong lahat ng Lolong!' Sen. Imee bumanat tungkol sa 'buwaya'
Habang kamakailan lang din ng gamitin ng senadora ang kaniya raw “Bondying Bag.”
"Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!" natatawa niyang sabi.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee sa 'Bondying Buwaya' bag: 'Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!'