Kinaaliwan ng mga netizen ang social media posts ni Sen. Imee Marcos hinggil sa agaw-eksena niyang "buwaya bag."
Umagaw ng atensyon sa mga senador at maging sa mga netizen ang disenyo ng bag ni Sen. Imee Marcos, habang nasa Senate plenary nitong Martes, Setyembre 9.
Sa sesyon, pinansin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang kakaibang bag ni Marcos.
Anang Zubiri, ngayon lamang daw siya nakakita ng ganoong klaseng bag design.
Natawa naman ang senadora at agad na niyakap ang nabanggit na bag.
Sey naman ng mga netizen, mukhang may nais ipakahulugan ang bag ni Sen. Imee lalo't mainit na pinag-uusapan ngayon ang korapsyon at anomalya sa flood control projects, na nagsasangkot sa ilang mga contractor at government officials.
Ang buwaya ay laging ikinakapit sa pagiging sakim o gahaman, na kadalasan, ay panlarawan sa mga tiwali o korap na opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa senadora, ang nabanggit na bag ay tinatawag niyang "BB" o "Bondying Bag."
"Lahat nakaabang kung sino na ang mga bagong pinuno ng mga komite sa Senado ngayong Martes, Setyembre 9, pero agaw eksena talaga masyado ang BB bag na dala ko," saad ng senadora.
Sa isa pang panayam, tila makahulugan naman ang pahayag ni Marcos.
"Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!" natatawa niyang sabi.
Nang itanong naman kung ilan daw ba ang tinutukoy niya, "Lahat ng buwaya! Lahat 'yan ikulong."
Makikita namang pinagkatuwaan ang kaniyang bag ng ilang mga kapwa senador kagaya nina Sen. Loren Legarda at Sen. Jinggoy Estrada.
"Naku ha, itatago ko na 'to, ang daming nakikiagaw sa akin sa buwaya," sey pa niya.
"Cute-cute nga eh, ang taba-taba, ano ba kayo. Bonjing Buwaya, BB. Naku ha, itago ko 'to," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Bag ni Sen. Imee agaw-eksena, disenyong buwaya!
SINO SI BONDYING?
Si Bondying ay isang sikat na karakter sa kulturang popular ng Pilipinas, mula sa komiks ni Mars Ravelo. Una siyang lumabas sa pelikula noong 1954, na pinamagatang Bondying mula sa Sampaguita Pictures.
Ginampanan siya ni Fred Montilla (sa unang pelikula) at mas lalo pang sumikat noong 1980s nang muling likhain ang karakter sa pelikulang Bondying: The Little Big Boy kung saan si Jimmy Santos ang gumanap.
Ang karakter ay isang matandang lalaki na may katawan ng bata — ibig sabihin, malaki na ang pangangatawan pero parang isip-bata at asal-bata pa rin.
Dahil dito, naging katawagan na rin sa mga Pilipino ang salitang “bondying” para ilarawan ang taong sobrang dependent pa rin sa magulang o hindi pa marunong tumayo sa sariling mga paa kahit may edad na.
Pero sa paggamit ni Sen. Imee sa salita kamakailan, tila may pinatutungkulan siyang tao, na aniya ay may kinalaman sa mga alegasyon ng korapsyon at anomalya, lalo na sa mainit na usapin ng flood control projects, gayundin sa budget.
Noong Agosto 18, ipinaliwanag pa ng senadora ang paglalarawan niya kay Bondying.
"'Yong dambuhala na spoiled na iyak nang iyak, malaking mama na iyak nang iyak, reklamo nang reklamo pero dede nang dede! Naku talaga naman. Iyan si Bondying! Kaya maniwala kayo, kung may Bondying na may umiiyak dahil sa budget, may mga Baby Bondying na hiyaw nang hiyaw din!" aniya.