Bumanat si Sen. Imee Marcos laban sa mga umano’y tiwaling opisyal ng pamahalaan, na tinawag niyang mga “buwaya” na dapat nang puksain, maparusahan, at makulong.
Sa Facebook post niya noong Martes, Setyembre 16 na may caption na "Dapat ubusin natin sila!", ibinida ni Marcos ang isang malaking stuffed toy na buwaya na aniya’y ipinadala sa kaniya bilang simbolo ng laban kontra korapsyon.
"Naku, padami nang padami ang mga crocodile! May nagpadala na naman ng buwaya, nakahuli raw sila ng pagkalaki-laki. Talaga naman! Dapat hulihin lahat! Talaga, dapat puksain, dapat parusahan, makulong ang lahat ng 'Lolong,'" saad ng senadora.
Ang “Lolong” na pinagbidahan ni Kapuso star Ruru Madrid ay isang fantasy-action series na may kinalaman sa isang malaking buwaya.
Samantala, umani ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang pahayag ni Marcos. May mga sumang-ayon sa kanyang panawagan, ngunit may ilan ding nagsabing dapat din niyang tingnan ang hanay ng kanyang mga kaalyado at tiyakin na walang “buwaya” sa kanilang hanay.
"Paano yan Sen, kasama dyan si Bongbong?"
"Pinsan mu Maam Ang may pasimuno haha"
"Kapag si Senator imee Marcos magpatama quote grabi tawa ko yan lalo mang asar yan talab na talab"
"Magaling mang asar talaga,pero totoo."
"Nahuli na tlga ni madam sen.Imee c lolong"
Matatandaang kamakailan lamang ay naging usap-usapan naman ang pagdadala niya ng isang bag na may disenyong buwaya, habang nasa sesyon ng Senado.
Ayon sa senadora, ang nabanggit na bag ay tinatawag niyang "BB" o "Bondying Bag."
"Lahat nakaabang kung sino na ang mga bagong pinuno ng mga komite sa Senado ngayong Martes, Setyembre 9, pero agaw eksena talaga masyado ang BB bag na dala ko," saad ng senadora.
Sa isa pang panayam, tila makahulugan naman ang pahayag ni Marcos.
"Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!" natatawa niyang sabi.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee sa 'Bondying Buwaya' bag: 'Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!'
Nang itanong naman kung ilan daw ba ang tinutukoy niya, "Lahat ng buwaya! Lahat 'yan ikulong."
Makikita namang pinagkatuwaan ang kaniyang bag ng ilang mga kapwa senador kagaya nina Sen. Loren Legarda at Sen. Jinggoy Estrada.
"Naku ha, itatago ko na 'to, ang daming nakikiagaw sa akin sa buwaya," sey pa niya.
"Cute-cute nga eh, ang taba-taba, ano ba kayo. Bonjing Buwaya, BB. Naku ha, itago ko 'to," aniya pa.
Napaulat naman ng News 5 kung saan niya posibleng nabili ang nabanggit na bag na may disenyong buwaya.
Saad sa ulat, puwede itong nabili sa Lazada sa presyong ₱1,391.19 na Unique Creative American Style Crocodile Bag.
Sa pangalawa naman, maaari itong nabili sa Temu sa halagang ₱2,306 na isang synthetic leather Crocodile-shaped bag.
Sa pangatlo naman, maaaring mula sa Braccialini na may presyong ₱173,600.
Bagay na agad na sinagot ng senadora sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Setyembre 10.
"Sa mga nagtatanong, sa TEMU ko po nabili si BB," aniya.
Kalakip ng nabanggit na post ang screenshot ng pagbili niya rito online, sa halagang ₱2,574.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Saan nabili at magkano ang 'Bondying Buwaya bag' ni Sen. Imee?