“Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa.” - Juan 10:11
Sa Bibliya, inihahalintulad tayo ng Panginoon sa mga tupa dahil sa limitasyon nating maprotektahan ang sarili laban sa mga panganib mula sa ating kapaligiran, maging mula sa ating sarili.
Kilala rin ng mga tupa ang boses ng kanilang pastol, kadalasan pa nga’y ang boses lang nito ang kanilang sinusunod, kung kaya’y naliligaw ang mga ito kung walang patnubay sa kanilang pastol.
Sa buhay Kristiyano, si Hesus ang ating mabuting pastol na nagbibigay sa atin ng patnubay at direksyon.
Gayun na lang din ang pagmamahal Niya sa atin na sa tuwing tayo’y nalilihis ng daan, paulit-ulit Niya tayong hinahanap para ibalik sa Kaniyang presensya.
Nakasaad sa Isaias 53:6, “tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.”
Sa dami ng kaguluhan at kawalang katiyakan sa mundo, ang boses ni Hesus ang nag-iisang sigurado at pinagmumulan ng ating kapayapaan at gabay.
Bilang mabuting pastol, binibigay Niya ang lahat ng ating pangangailangan.
Kay Hesus, wala na tayong paga-alinlangan, ang kailangan na lamang natin gawin ay mas kilalanin ang boses Niya at sumunod.
Sean Antonio/BALITA