Inihayag ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagiging bukas niya sa imbestigasyon matapos madawit sa anomalya ng flood control projects.
Sa ginanap na plenaryo sa Senado nitong Lunes, Setyembre 15, sinabi niyang payag umano siyang pumirma ng anomang waiver para buksan ang kaniyang bank accounts.
“Ako, I’m open to investigation. In fact, Mr. President, ngayon pa lang kahit hindi pa nagko-commence ang Blue Ribbon Committee ni Senador Ping Lacson, ngayon pa lang, I’m willing to sign any waiver to open my bank accounts,” saad ni Estrada.
Matatandaang kabilang si Estrada sa dalawang senador na ikinanta ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) assistant district engineer Brice Hernandez na pinagsisilbihan umano nila bilang bagman.
Maki-Balita: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects
Pero nauna nang itinanggi ni Estrada ang pagkakaugnay niya sa anomalya sa likod ng flood control projects. Katunayan, hinamon pa niya si Hernandez na sumailalim sila sa lie detector test sa harap ng publiko.
Maki-Balita: Sen. Estrada hinamon si Engr. Hernandez: 'Let us take a lie detector test before the public'