Ipinaubaya ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva ang pasya kung sasali sila sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa kontrobersya sa mga flood control project.
Sa isang panayam noong Sabado, Setyembre 13, iginiit ni Sotto ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite sa kabila ng pagkakatatag ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
May mga panawagang ihinto ng Senado at Kamara ang kani-kanilang imbestigasyon kaugnay ng naturang isyu ng katiwalian dahil sa pag-iral ng ICI.
“Madaling sabihin yun, pero ano gusto n’yo sabihin, pagtakpan na lang namin mga kasama namin? Samantalang kung magkakaroon ng hearing itong mga kasama namin, may pagkakataon na harapin ang mga nagbibintang na ito,” ani Sotto.
Dagdag pa niya, “Iiwan na natin sa kanila kung gusto nilang mag-participate. Sila ay bahagi ng Senado.”
Matatandaang noong Martes, Setyembre 9 nang pangalanan ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Villanueva na kasabwat umano sa mga korapsyon sa implementasyon ng flood control projects.
“Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara,” ani Hernandez.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects