December 13, 2025

Home BALITA National

Sen. Villanueva, nilinaw dahilan sa kumakalat na litratong kasama niya si Alcantara

Sen. Villanueva, nilinaw dahilan sa kumakalat na litratong kasama niya si Alcantara
Photo courtesy: Joel Villanueva (IG)

Muling lumitaw sa social media ang mga litrato ng senador na si Sen. Joel Villanueva at dating Bulacan District Engineer na si Henry Alcantara. 

Makikita pa rin ngayon ang mga kumakalat na larawan ni Villanueva at Alcantara mula sa Instagram post ng una noong Nobyembre 24, 2021. 

Ayon sa mga ulat, ipinaliwanag umano ni Villanueva na mula ang kumakalat na mga larawan sa pag-iinspeksyon nila noon sa tatlong (3) pumping stations sa Bocaue river sa probinsya ng Bulacan na hawak umano ng noon ng dating District Engineer. 

“On this very special day of Mayor Joni, tuloy-tuloy po ang diwa ng paglilingkod sa ating mga kababayan dito sa Bocaue. Ininspeksyon, binisita at pinasinayaan po natin ang 3 pumping stations along Bocaue river at ang matatapos nang iconic bridge ng Bocaue. Nananatiling buhay ang alaala mo Mayor Joni sa bawat Bocaueño. Mahal na mahal na mahal ka namin,” saad sa caption ng IG post ni Villanueva. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Photo courtesy: Joel Villanueva (IG)

Samantala, matatandaang noon pang Setyembre 2, 2025 ay nasagot na ni Villanueva ang mga akusasyon sa koneksyon niya kay Alcantara at sinabing magsasampa umano sila ng kaso sa mga nagpapakalat noon ng kasinungalingan. 

“Sasabihin ko na po sa inyo, pati ‘yong mga nag-spread ng fake news, nag-usap na kami ng mga lawyers namin [sa kumakalat na] itong spreading lies. It’s too much,” ayon noon kay Villanueva. 

Iginiit ni Villanueva na hindi lamang siya ang nag-iisang opisyal na umano’y may litrato kasama si Alcantara.  

“Lahat po ng lies na pinapakalat. For example, ‘yong sinasabi ninyong video [o] picture, e, lahat ng opisyal may video [at] picture sa kaniya. Opisyal po ‘yon, e. 

“So kapag pumunta ka sa DPWH (Department of Public Works and Highways) sa Bulacan, si Presidente (Ferdinand “Bongbong” Marcos), mga secretary, mga senador, lahat mayro’n,” anang Villanueva. 

Dagdag pa niya, siya lamang umano ang nadidiin dahil ito lang gustong paniwalaan ng mga tao at malihis ang atensyon sa mga tunay umanong nasa likod ng mga maanomalyang proyekto para sa flood-control. 

“Pero bakit ako lang ‘yong sini-single out? Bakit? Kasi ‘yon ang gusto nilang paniwalaan,” pahabol pa niya. 

Ngunit matatandaan ding mas naging mainit ang pangalan ni Villanueva nang makasama siya sa naidawit na pangalan ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez. 

KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects

Kung saan ipinuga ni Hernandez sa naging pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Martes, Setyembre 9, 2025, si Villanueva at kasamahan pa nitong senador na si Sen. Jinggoy Estrada. 

Ayon kay Hernandez noon, pumalo umano sa  ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang  ₱600 milyon naman ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador.

Ngunit mariin namang itinanggi ni Villanueva ang pagdawit sa kaniyang pangalan sa naging sesyon nila sa Senado noon ding Martes. 

“Wala po ako kailanman naging flood control project. Hindi ko po sasabihin na 'I categorically deny this accusation' dahil po may resibo po tayo. Meron pong pwedeng iberipika bakit po ito nangyayari,” depensa ni Villanueva. 

Dagdag pa ni Villanueva, “I will never betray my principle, I will never ever destroy the name that was given to me by my parents.” 

Mc Vincent Mirabuna/Balita