Inilunsad na sa eGovPH ang electronic Complaints Management System (eCMS) kamakailan para sa mas episyente at mabilis na tugon ng gobyerno sa mga reklamo.
Katuwang ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Department of Information and Communications Technology (DICT), ang eCMS ay inisyatibang naglalayon na mapadali ang paghahain ng reklamo laban sa mga mabagal o tiwaling serbisyo sa gobyerno.
Ang eCMS ay tumatanggap ng pagsusumite 24/7, at ito rin ay nagbibigay ng mga real-time update sa users para ma-monitor nito ang estado ng ipinadalang reklamo.
Ayon sa social media post ni DICT Sec. Henry Aguda, ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang Information and Communications Technology (ICT) ng bansa at bilang adbokasiya sa isang gobyernong tapat, mabilis, maasahan, at bukas para sa lahat.
“Sa pamamagitan ng eCMS na ngayon ay nasa eGovPH App, mas madali na para sa bawat Pilipino na magsumite at mag-monitor ng kanilang reklamo kahit saan at kahit kailan. Isang patunay ito na ang gobyerno ay nakikinig at handang umaksyon para sa ating mamamayan,” dagdag pa niya.
Sean Antonio/BALITA