Dinepensahan ng dating beauty queen at aktres na si Alma Concepcion ang pamilya Atayde mula sa mga batikos na natatanggap nila mula sa mga netizen, dahil sa kanilang mga na-flex na ari-arian.
Matatandaang sa kasagsagan ng isyu ng umano'y korapsyon at anomalya tungkol sa flood control projects, nabanggit ng contractor na si Curlee Discaya ang pangalan ng aktor at Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde sa mga opisyal ng pamahalaang nakatanggap umano ng kickback o porsyento mula sa kanilang proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ito ni Discaya sa naganap na ikalawang Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Lunes, Setyembre 8, na noon ay pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta.
Agad naman itong pinabulaanan ni Atayde at sinabing hindi siya sangkot sa alinmang anomalya.
Mababasa sa kaniyang Instagram story, "I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor,” sabi ni Arjo. I have never dealt with them. Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito.”
Dagdag pa niya, “I have never used my position for personal gain, and I never will. I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods.”
KAUGNAY NA BALITA: Arjo Atayde, itinangging nakakuha ng porsiyento sa mga proyekto ng Discaya
Maging ang kaniyang misis na si "Eat Bulaga" host Maine Mendoza ay umalma rin sa isyu at dinepensahan ang kaniyang mister.
Nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 10, naglabas ng mahabang Facebook post si Maine at pinagdiinang hindi galing sa buwis ng mga mamamayan ang pinambili nila sa kanilang mga ari-arian.
KAUGNAY NA BALITA: Maine Mendoza sa akusasyon sa mister: 'I am with my husband in this!'
KAUGNAY NA BALITA: 'Not a single part of our life has been built on taxpayers’ money!'—Maine Mendoza
KAUGNAY NA BALITA: Arjo, walang tinatago depensa ni Maine: 'We are confident that we stand on the side of truth!'
Dahil din sa isyu, pati tuloy ang nananahimik na ina ni Arjo na si award-winning actress at producer Sylvia Sanchez ay dinamay ng mga netizen na nagpupuyos ang damdamin sa una.
Binalikan ng mga netizen ang naging panayam kay Sylvia nina Korina Sanchez at Karen Davila kung saan makikita ang iba't ibang ari-arian ng mga Atayde gaya ng beach resort, yate, rest houses, at ang bagong ipinatatayong bahay.
KAUGNAY NA BALITA: Panayam kay Sylvia Sanchez nina Korina Sanchez at Karen Davila, kinalkal!
RESBAK NI ALMA CONCEPCION
Hindi naman pinalagpas ni Alma ang isyu at naglabas ng mga resibo bilang pang-resbak sa mga akusasyon ng netizens.
Ibinahagi ni Alma ang isang lumang Facebook post noong 2021 kung saan makikitang kasama niya si Sylvia at iba pa, sa isa sa mga yate nito.
Giit ni Alma, 2021 pa raw ang nabanggit na post, naroon na ang yate at iba pang mga ari-arian ng mga Atayde. Taong 2022 daw nang mahalal bilang kongresista ng unang distrito ng Quezon City si Arjo.
Kaya pakiusap niya sa mga netizen na nagpaparatang sa mga Atayde, i-verify ang mga petsa at i-check ang timeline.
"Paki-verify po ang mga petsa. Ang mga ari-arian tulad ng yate, rest houses na binabanggit sa balita ay nakita na namin noong 2021. Si Congressman Arjo Atayde ay nahalal noong 2022. Paki-check po ang timeline kung kailan na acquire ang mga ari-arian nila bago maghusga," aniya.
Dagdag pa niya, "Eto ang rest house na na feature ni Ms. K with Sylvia Sanchez and paki tignan ang petsa. Nabili nila bago pa man naka upo si Cong. Arjo."
Photo courtesy: Screenshot from Alma Concepcion/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Sylvia tungkol sa isyu, bagama't ibinahagi niya sa Instagram story ang naging pahayag ng anak na si Arjo.
KAUGNAY NA BALITA: Sylvia ibinahagi pag-deny ni Arjo sa alegasyong nakinabang sa contractor