Muling binalikan ng mga netizen ang panayam sa aktres at producer na si Sylvia Sanchez matapos masangkot sa eskandalo at akusasyon ang anak na aktor at Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde, kaugnay sa umano'y korapsyon at maanomalyang flood control project.
Sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Setyembre 8, isa ang pangalan ni Atayde sa nabanggit ng contractor na si Curlee Discaya, na mga kongresistang umano'y nabigyan ng komisyon sa kanilang flood control projects, batay sa kanilang sworn statement.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya-Balita
Si Curlee ay asawa ni Sarah Discaya na natalong Pasig City mayoral candidate, na mahigpit na kalaban ng kasalukuyang alkalde na si Pasig City Mayor Vico Sotto.
Silang mag-asawa ang may-ari ng St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Development Corp. at Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
Sa naturang pahayag, pinangalanan ni Curlee ang mga politiko at DPWH official na umano'y humihingi ng 10-25% share sa mga proyektong napanalunan nila.
Matapos masangkot ang pangalan at mag-trending sa iba't ibang social media platforms lalo na sa X, agad namang naglabas ng opisyal na pahayag ang mambabatas.
Mariing itinanggi ni Atayde ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Mababasa sa kaniyang Instagram story, "I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor,” sabi ni Arjo. I have never dealt with them. Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito.”
Dagdag pa niya, “I have never used my position for personal gain, and I never will. I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods.”
KAUGNAY NA BALITA: Arjo Atayde, itinangging nakakuha ng porsiyento sa mga proyekto ng Discaya-Balita
Maging ang kaniyang misis na si "Eat Bulaga" host Maine Mendoza ay umalma rin sa isyu at dinepensahan ang kaniyang mister.
"Teka lang muna, those are baseless allegations. Please refrain from throwing hate and personal attacks at him, including me and our family until facts come out. I am with my husband in this. Wala siyang ginagawang masama sa loob," ani Maine.
"He has been doing his best to serve the people of his district in Quezon City since the beginning. I sincerely hope and pray that the people who are TRULY responsible will be held accountable and that innocent individuals be spared from this mess. Napaka unfair," dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Maine, umapelang itigil pag-atake kay Arjo: 'Napaka-unfair!'
KAUGNAY NA BALITA: Maine Mendoza sa akusasyon sa mister: 'I am with my husband in this!'
PAGHALUNGKAT NG MGA NETIZEN SA MGA INTERVIEW KAY SYLVIA SANCHEZ
Kagaya ng ginawa ng mga netizen na nagpuyos ang galit sa mga nasangkot na contractors at opisyal ng pamahalaan kaya dinamay ang mga anak nila at tinawag na "nepo babies" at "Disney Princess," ang pinuntirya rin nila upang maglabas ng matinding damdamin at saloobin tungkol dito ay mga kaanak ni Arjo, na nasa showbiz industry rin.
KAUGNAY NA BALITA: Dahil kay Arjo: IG posts ni Sylvia Sanchez, pinutakti ng netizens!
Kaya naman, muling binalikan at kinalkal ng mga netizen ang video clips ng panayam kay Sylvia sa "Korina Interviews" kung saan ibinida ni Ibyang (palayaw kay Sylvia) ang kanilang beachfront family resort.
Makikita rin ang masaya niyang pagsakay sa isang jetski, gayundin ang kanilang bonggang yacht.
Isa sa mga nagbahagi ng video clip mula sa panayam ni Korina ay isang netizen na nagngangalang "@foxxysoul."
Aniya, "This is the blog feature of Sylvia Sanchez by no other than Korina (again lol). Showing a yacht and Sylvia arriving by jetski + a beachfront property na bahay bakasyunan daw ng family with Arjo Atayde."
Photo courtesy: Screenshot from @foxxysoul/X
Maging sa isang social media page sa Facebook na "We Are Millennials," ibinahagi rin ang nabanggit na video clip.
Mababasa sa caption, "Another day, another Korina feature: Sylvia Sanchez on a yacht, jetski arrival, and their ‘humble’ beachfront vacation home."
Disclaimer pa ng uploader, "This video is owned by Korina Sanchez vlog. I do not claim ownership. The video is used solely for commentary and discussion on current issues affecting the country. No copyright infringement intended."
Photo courtesy: Screenshot from We Are Millennials/FB
Photo courtesy: Screenshot from We Are Millennials/FB
Hindi rin naglaon, muling nabuhay sa usapan ng mga netizens ang recent interview ni Sylvia kay ABS-CBN broadcast journalist Karen Davila sa kaniyang vlog, kung saan itinampok ang kanilang mansyon na noo’y ginagawa pa lamang.
Nang tanungin kung bakit kinailangan pa nilang lumipat, sinabi ni Sylvia na masyado nang maliit ang kanilang kasalukuyang tinitirhan.
Nang mauntag naman kung kailan matatapos at balak lipatan, sagot ni Sylvia ay "This year!"
Sa house tour na iyon, ipinakita ni Sylvia ang ilang bahagi ng kanilang bahay at ikinuwento ang kanilang pamumuhay kasama ang mga anak. Dito ay isinalaysay rin ni Sylvia ang kaniyang naging buhay at kung paano siya naging ina sa mga anak. Kasama rin sa panayam ang anak niyang si Gela Atayde na pinasok na rin ang showbiz.
Ang nabanggit na panayam ay umere noong Marso 6, 2025 sa YouTube channel ni Davila, para sa pagdiriwang ng Women's Month.
"WOMEN’S MONTH! We open with actress & mother SYLVIA SANCHEZ, who shares the sacrifices she made to uplift her children’s lives!" mababasa sa caption ng vlog.
"Sylvia is the mother of famous kids Arjo, Ria, Gela & Xavi! For the first time she opens up about her break-up with husband Art Atayde and how they got back together!"
Dahil nga sa isyu, nagkomento ang mga netizen sa comment section at dito naglabas ng kanilang saloobin, kahit na kung tutuusin, labas at wala namang kaugnayan si Sylvia sa nabanggit na isyu.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"Hit like sa Sino pumunta didto after Discsya revelation??"
"I REMEMBER THIS VIDEO AFTER THE DISCAYA LIST WAS REVEALED!!!!"
"Sino andito after ng Discaya expose???"
"thanks curlee. now it all makes sense"
"Ung mga comments 6months ago ang gaganda. Puro papuri pero nagbago timpla ng mga tao after maisplok ang mag ama."
SINO SI SYLVIA SANCHEZ?
Pero bago pa man pasukin ni Arjo ang politika o maging showbiz, matagal na ring panahong nasa showbiz si Sylvia, na maaaring dahilan upang magkaroon siya ng sariling ipon at makapagpundar na rin ng properties, negosyo, at iba pang assets.
Sa mga panayam sa kaniya, sinasabi ni Sylvia na sadyang nagsumikap siya sa buhay upang makaahon sa kahirapang kinamulatan niya noong hindi pa siya nag-aartista, noong siya ay nasa Agusan Del Norte, Mindanao pa siya.
Kuwento ni Sylvia sa panayam sa kaniya ni Karen, ang tatay niya ay isang seaman at ang nanay naman ay isang guro. Nang inabandona raw sila ng tatay nila, doon na raw talaga nila naranasan ang paghihirap. Anim silang magkakapatid, hindi raw kaya ni Sylvia na nakikita ang nanay niyang umiiyak, kaya sa edad na 14 ay nagtungo na siya sa Maynila para maghanapbuhay para sa pamilya.
"No regrets. Ginusto ko 'yon eh," saad pa ni Sylvia.
Madalas siyang gumaganap bilang isang character actress, na kadalasan ay bilang isang "kontrabida," at sa katunayan ay nagmarka ang kaniyang pagganap sa soap operang "Esperanza" na pinagbidahan ni Judy Ann Santos-Agoncillo, noong 1997. Lagi rin siyang gumaganap bilang nanay o tita ng bida.
Pero makalipas ang maraming taon, sa wakas ay nabigyan na rin siya ng sariling pinagbidahang serye, sa ABS-CBN.
Una na rito ang "The Greatest Love" noong 2016 na sinundan pa ng "Pamilya Ko" noong 2019, subalit hindi na natuloy o nagwakas nang maayos matapos ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa pandemya, at mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN noong 2020.
Sinimulan na rin niya ang pagpo-produce ng mga concert at pelikula. Sa katunayan, ilang prestihiyosong international film festivals na rin ang nilahukan ng Nathan Studios, ang production outfit ng pamilya Atayde at pinamumunuan ng anak na si Ria Atayde bilang Pangulo at Chief Executive Officer o CEO.
Noong 2023, dumalo siya sa Cannes Film Festival para sa pelikulang "Topakk" at sa teleseryeng "Cattleya Killer" na pinagbibidahan ng anak na si Arjo. Nakipag-collab din sila sa iba't ibang production companies upang nang sa gayon ay ma-expand pa ang kanilang planong mag-produce ng mga de-kalibreng content.
Pagdating naman sa concert, siya ang nag-produce ng concert ng kaniyang anak-anakang singer-songwriter na si JK Labajo sa SM Mall of Asia Arena noong Nobyembre 2024.
Pagdating naman sa personal na buhay, misis siya ng businessman na si Arturo "Art" Atayde, na buo ang pagsuporta para sa anak na si Arjo sa mga adhikain nito bilang mambabatas.
Sa katunayan, ibinabahagi pa ni Arjo sa social media ang pagsama sa kaniya ng ama sa iba't ibang mga gawain niya. Isa na rito ay pagtungo nila sa Philippine Science High School noong Abril kasama pa sina House Speaker Martin Romualdez at Deputy Speaker Jay-Jay Suarez.
"Cong. Arjo Atayde’s father, Mr. Art Atayde, accompanied House Speaker Martin Romualdez and Deputy Speaker Jay-Jay Suarez in inspecting the buildings and facilities of the Philippine Science High School with the goal of allocating funds to rehabilitate the old buildings and construct new ones," mababasa sa caption, kalakip ang mga larawan nila.
Photo courtesy: Congressman Arjo Atayde/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sylvia o maging si Art hinggil sa isyung kinasasangkutan ngayon ng anak, gayundin sa pang-uurirat ng mga netizen sa panayam ng una kina Korina at Karen. Bukas ang Balita sa kanilang panig.