Naglapagan ng kani-kanilang resibo sina Sen. Jinggoy Estrada at Bicol Saro Rep. Terry Ridon hinggil sa kredibilidad nila sa isyu ng flood control projects.
Sa Facebook post ni Estrada noong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, ibinahagi niya ang larawan ng yearbook nina Ridon at Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Brice Hernandez.
“Safe kaya tayo sa kanila?” ani Jinggoy sa caption.
Matatandaang si Ridon ang lead chair ng House infrastructure committee na siyang nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects. Sa infra comm din isiniwalat ni Hernandez na sangkot umano si Jinggoy at Sen. Joel Villanueva sa mga senador na nanghihingi ng kickback sa pondo ng nasabing proyekto.
“Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara,” saad ni Hernandez sa pagdinig ng infra comm.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects
Samantala, itinanggi naman ni Ridon ang nasabing larawan at implikasyon ni Jinggoy sa kaniyang FB post nitong Huwebes, Setyembre 11.
“Sexy 12 years old lang ako dyan linabas mo pa yung address ng bahay ng lola ko,” ani Ridon.
Habang nitong Huwebes din, nang tila gantihan naman ni Ridon ng isa pang FB post si Jinggoy kung saan nakalatag ang mugshot noon ng senador hinggil sa kinasangkutan niyang PDAF scam, katabi ang kaniyang larawan na yearbook na nauna nang ibinalandra ng nasabing senador.
“You’ll be safe here,” saad ni Ridon sa caption,
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Estrada sa muling pag-ungkat ng kaniyang mugshot.