Pumalag si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co sa mga pandadawit umano sa kaniya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isyu ng budget insertion sa maanomalyang flood control projects.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, Setyembre 11, 2025, itinanggi ni Co ang mga paratang daw laban sa kaniya.
"Hindi ako sangkot sa anumang maling gawain batay sa kaniyang malabong paratang," saad ni Co.
Dagdag pa niya, "Walang espesipikong detalye pero hinuhusgahan na ako."
Pinuna rin niya ang mga umuugong na balitang posibleng ikonsidera si Magalong bilang miyembro ng independent commission na hahawak sa imbestigasyon ng flood control projects.
"Paano magkakaroon ng makatarungan at walang kinikilingang imbestigasyon kung bago pa man magsimula ang proseso, nagsalita na si Mayor Magalong sa media laban sa akin batay sa sabi-sabi at tsismis?" anang mambabatas.
Matatandaang isa si Co sa mga pangalan ng mga mambabatas na nilaglag ng mga Discaya na umano’y nanghihingi ng kickback sa halaga ng kontrata mula sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH offcials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Samantala, nauna na ring kinumpirma ni House Spokesperson Princess Abante na kasalukuyang nasa Amerika si Co matapos para umano sa isang medical treatment.
KAUGNAY NA BALITA: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox
“I made an initial inquiry sa Office of the Secretary General. Sa pagkakaalam ko, he's currently out of the country… I understand na sa United States siya for medical treatment with appropriate travel documents,” saad ni Abante.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, nag-90/60 BP kaya may 'extensive check-up' sa US—solon