Umapela si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa House Infrastruture Committe na gawin nang tama at patas ang trabaho nito sa pag-iimbestiga sa anomalya ng flood control projects.
Sa latest Facebook post ni Pulong nitong Miyerkules, Setyembre 10, sinabi niyang mas mabuti pang maghain na lang ng kaso ang InfraComm kung ang nasabing imbestigasyon ay pagtatangka na namang sirain ang pangalan ng pamilya niya.
Aniya, “[K]ung imbestigasyon man ang ginagawa ng [InfraComm], do it correctly and fairly…the people deserve the truth. [B]ut if it is another effort to ruin our family, file the cases and spare the taxpayers money from this circus.”
Kaya naman hinamon ni Pulong ang mga kapuwa kongresista na ipakita ang budget at ilabas ang proyekto.
“Huwag n’yong itago sa papel, ipakita ninyo sa mismong distrito kung meron bang kalsada, tulay, kanal, ospital, o pawang drawing lang,” saad ni Pulong.
Dagdag pa niya, ”Let us all demand the truth, backed by evidence. Hindi na panahon ng drama, diversion, ug mga pasangil.”
Matatandaang nauna nang bumwelta si Pulong kahapon, Setyembre 9, matapos makaladkad ang pangalan niya sa pagdinig ng InfraComm.
Kinumpirma kasi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Maria Catalina Cabral ang halos ₱51 bilyong pondong inilaan sa unang distrito ng Davao para sa infrastructure projects mula 2020 hanggang 2022.
Ngunit ayon kay Pulong, hindi raw siya kailanman nangialam sa budget hearing sa Kamara.
“Kahit tanungin niyo pa yung mga nagdaang Speaker. May delicadeza ako. Hindi kagaya ngayon na mismo magkakamag-anak ang naglalaro sa budget,” anang kongresista.
Maki-Balita: Rep. Pulong Duterte, umalma matapos idawit ₱51B pondo sa infra projects ng Davao mula 2020-2022