Nilinaw ng bagong halal na Senate President na si Sen. Vicente “Tito” Sotto III na hindi niya pa pinipirmahan ang rekomendasyong gawing state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Sa panayam ng Super Radyo DZBB kay Sotto nitong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, kinumpirma niyang si Sen. Rodante Marcoleta raw ang nagbigay sa kaniya ng nasabing rekomendasyon na nakatakdang ibigay kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla.
“Bago nagkapalitan noong gabi, mayroong ipinadala sa akin si Sen. Marcoleta na may naka-address kay Boying Remulla, kay Sec. Remulla, DOJ na inirerekomenda n’ya mag-state witness under WPP ang Discaya couple,” ani Sotto.
Paglilinaw naman niya, hindi niya raw ito pinirmahan dahil hihintayin pa muna niya ang susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng flood control project na nakatakda nang pangunahan ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
“Eh, kakaupo ko lang as Senate President, ako na dapat ang pipirma noon. Hindi ko pinirmahan. Hindi ko pinirmahan. Sabi ko hintayin ko muna susunod mong (Sen. Ping) hearing,” anang Senate President.
Matatandaang ang mga Discaya ang parte ng 15 mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinasabing kumita ng malalaking kontrata mula sa gobyerno.
Noong Lunes, Setyembre 8, ang mag-asawang Discaya ang unang nagkanta sa mga pangalan ng mga umano’y DPWH officials at ilang kongresista na sangkot umano sa paghingi sa kanila ng porsyento sa pondo ng nasabing proyekto.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya
"Matapos namin manalo sa mga bidding, may mga opisyal mula sa DPWH ang lumalapit sa amin para humingi at kumuha ng bahagi niya sa halaga ng proyekto," ani Curlee. "Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25% na naging kundisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata,” saad pa ni Curlee.