Dumipensa si Sen. Jinggoy Estrada sa mga alegasyong nag-uugnay sa kaniya sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang panayam na ibinahagi niya sa kaniyang opisyal na Facebook account nitong Miyerkules, Setyembre 10, iginiit niyang mabilis umano siyang maging target ng nasabing alegasyon dahil sa pagiging aktibo raw niya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Marami nang nagwa-warning saken that if I continue being an active participant in the Blue Ribbon Committee, I AM AN EASY TARGET,” ani Jinggoy.
Dagdag pa niya, “Among all of us senators, alam nilang I am the most vulnerable one. Pero sabi ko, I WILL DO MY JOB AS A SENATOR and I want to ferret out the truth.”
Samantala, sa naging panayam naman sa kaniya ng isang news channel, sinabi niyang mabilis din daw siyang maikonekta sa naturang maanomalyang isyu dahil sa mga kasong kinasangkutan niya noon.
“Among all of us senators, I’m the most vulnerable because of the past issues that I had. But please naman, it is unfair for me to connect my past issues today,” saad ni Jinggoy.
Matatandaang noong Martes, Setyembre 9 nang pangalanan ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez sina Jinggoy at Sen. Joel Villanueva na kasabwat umano sa mga korapsyon sa implementasyon ng flood control projects.
“Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara,” ani Hernandez.
KAUGNAY NA BALITA: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects