Matapos ma-curious ang marami kung saan nabili ni Sen. Imee Marcos ang kaniyang "crocodile-design" bag na dinala niya sa Senate plenary session noong Martes, Setyembre 9, agad na naglabas ng Facebook post ang senadora kung saan nga ba niya nabili ito.
Sa sesyon, pinansin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang kakaibang bag ni Marcos.
Anang Zubiri, ngayon lamang daw siya nakakita ng ganoong klaseng bag design.
Natawa naman ang senadora at agad na niyakap ang nabanggit na bag.
Sey naman ng mga netizen, mukhang may nais ipakahulugan ang bag ni Sen. Imee lalo't mainit na pinag-uusapan ngayon ang korapsyon at anomalya sa flood control projects, na nagsasangkot sa ilang mga contractor at government officials.
Ang buwaya ay laging ikinakapit sa pagiging sakim o gahaman, na kadalasan, ay panlarawan sa mga tiwali o korap na opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa senadora, ang nabanggit na bag ay tinatawag niyang "BB" o "Bondying Bag."
"Lahat nakaabang kung sino na ang mga bagong pinuno ng mga komite sa Senado ngayong Martes, Setyembre 9, pero agaw eksena talaga masyado ang BB bag na dala ko," saad ng senadora.
Sa isa pang panayam, tila makahulugan naman ang pahayag ni Marcos.
"Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!" natatawa niyang sabi.
Nang itanong naman kung ilan daw ba ang tinutukoy niya, "Lahat ng buwaya! Lahat 'yan ikulong."
Makikita namang pinagkatuwaan ang kaniyang bag ng ilang mga kapwa senador kagaya nina Sen. Loren Legarda at Sen. Jinggoy Estrada.
"Naku ha, itatago ko na 'to, ang daming nakikiagaw sa akin sa buwaya," sey pa niya.
"Cute-cute nga eh, ang taba-taba, ano ba kayo. Bonjing Buwaya, BB. Naku ha, itago ko 'to," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee sa 'Bondying Buwaya' bag: 'Nakahuli na 'ko ng isa, dapat makulong silang lahat!'
SAAN NGA BA NABILI AT MAGKANO?
Napaulat naman ng News 5 nitong Miyerkules, Setyembre 10, kung saan niya posibleng nabili ang nabanggit na bag na may disenyong buwaya.
Saad sa ulat, puwede itong nabili sa Lazada sa presyong ₱1,391.19 na Unique Creative American Style Crocodile Bag.
Sa pangalawa naman, maaari itong nabili sa Temu sa halagang ₱2,306 na isang synthetic leather Crocodile-shaped bag.
Sa pangatlo naman, maaaring mula sa Braccialini na may presyong ₱173,600.
Bagay na agad na sinagot ng senadora sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Setyembre 10.
"Sa mga nagtatanong, sa TEMU ko po nabili si BB," aniya.
Kalakip ng nabanggit na post ang screenshot ng pagbili niya rito online, sa halagang ₱2,574.