Sa dami ng ginagawa ng bawat isa sa eskwelahan, sa trabaho, sa negosyo, o maging sa bahay, hindi maiiwasan ang pagod at panghihina ng katawan, kung kaya’t dinadaan na lamang ito ng iba sa gamot o pahinga.
Pero kung ang mga gamot na iniinom o mahabang pagpapahinga ay hindi sapat, humahanap ang ibang tao ng alternatibo, ‘yong mas epektibo — dito na papasok ang Physiotherapy.
Kahulugan ng Physiotherapy
Ang “Physiotherapy” ay isang uri ng panggagamot na nagbibigay ng maraming benepisyo isang tao, lalo na sa pisikal at mental na aspeto ng katawan. Ito rin ay nakatutulong upang maibsan ang pananakit sa katawan ng isang tao, pagpapahusay ng “mobility,” pagbaba sa kaso ng “muscle tension,” at para maiwasan din ang nakaambang “injury” na makukuha mula sa mga mabibigat na gawain.
Benepisyo ng Physiotherapy sa Katawan ng Isang Tao
Maraming benepisyong pangkalusugan ang maaaring makuha ng isang tao kapag siya ay sumailalim sa proseso ng Physiotherapy.
1. Pagkawabas ng sakit na nadarama sa katawan
Kung umiinda sa sakit na dulot ng “injury,” “diseases,” o “disability,” ang physiotherapists ay maaaring isailalim ang isang tao sa “exercise treatment,” o kaya naman ay sa “manual education and therapy.” Madalas na mayroong “integrative approach” ang mga doktor ng physiotherapy upang himukin ang kanilang mga pasyente na makilahok sa ibabahagi nitong “care plan.”
Pasok dito ang massage therapy, stretching exercises, at ang mga low-impact aerobics trainings. Tiyak ito at subok umano na mas ligtas kumpara sa pag-inom ng medikasyon.
2. Pagkakaroon ng “Personalized Treatment”
Ang mga physiotherapists ay dalubhasa na pagdating sa pagpapagaling ng mga sakit na may kinalaman sa injury o physical limitations. Dulot nito, alam ng isang physiotherapist kung paano lumikha ng isang “personalized treatment” na maaaring makatulong sa isang tao.
Laman nito ang mga impormasyong may kinalaman sa mga parte ng katawan na “vulnerable” pagdating sa injury, at kung paano ito bibigyang-lunas, at kung maaari, paano ito iiwasan.
3. Mabilisang paggaling
Ang pagsasailalim sa physiotherapy ay isang paraan upang mapabilis ang pagpapagaling sa nananakit na katawan ng isang tao.
Nakatutulong sa flexibility at strength ang mga treatments at therapy na isinasagawa nila sa kanilang mga pasyente, kung kaya’t mainam ang rekomendasyon na bisitahin ang physiotherapists kung kinakailangan.
4. Pag-iwas sa mga nakaambang sakit
Hindi lamang sagot sa mga injury at chronic pains ang physiotherapy, ito rin ay isang mabisang paraan upang mapababa ang “risks” na magkaroon ng future health concerns.
Sa madaling salita, ang pagsasailalim sa physiotherapy ay isang “preventive measure,” upang makaiwas sa panganib ng mas malalang isyu sa katawan.
Kung ang isang tao ay nakikitaan ng hindi magandang postura, makatutulong ang physiotherapy upang ibsan ang panganib nito na umabot pa sa “scoliosis,” na siyang hindi hamak na mas mahirap gamutin.
5. Mas maayos na pangkalahatang kalusugan
Tama na nakatutulong ang physiotherapy sa injury, mobility, at flexibility ng tao; ngunit tama rin namang pati ang ibang parte ng katawan ay nagiging mas maganda ang estado dahil sa tulong nito.
Ang physiotherapy ay nakatutulong upang maibsan ang mga problemang pangkalusugan tulad ng “musculoskeletal injuries,” “respiratory issues,” neurological concerns,” pati na rin ang chronic pain conditions.
Maging ang pagtulog ng isang tao ay nagiging mas maganda kung siya ay sumasailalim sa physiotherapy, sapagkat nakatutulong din ito upang malaman ng isang indibidwal ang magandang sleeping posture upang magkaroon ng mas mahimbing na pahinga o tulog.
Sabi nga ng marami, “Health is Wealth,” kung kaya’t kapag kailangan nang magpakonsulta, huwag nang magdalawang-isip na pumunta sa klinika, upang hindi na humarap sa mas malaking problema.
Vincent Gutierrez/BALITA
ALAMIN: Mga benepisyong hatid ng ‘Physiotherapy’
Photo courtesy: Pexels