Mahigit isang taon na ang nakalipas, naging kontrobersyal ang pangalan ng dating mayor sa Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Isa sa mga kaso sa Pilipinas na tinutukan noon ng maraming Pilipino kung ano ang magiging resulta sa pagkakabunyag ng tunay nitong pagkakakilanlan bilang si Guo Hua Ping na isang Chinese national.
Ngunit bago ito, ano nga ba ang mga kaganapang nagpagulantang sa lahat ng mamamayan at mga kawani ng gobyerno tungkol kay Guo Hua Ping o ex-mayor Alice Guo? At nasaan na nga ba si Guo ngayon?
Kung babalikan ang ugat ng kontrobersyal na usaping ito patungkol kay Guo, mararating ng sinoman ang petsa noong March 13, 2024.
Pinasok ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang isang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO na nakatayo noon sa Bamban, Tarlac, bayan kung saan namumuno noon si ex-mayor Guo.
Sa naging imbestigasyon ng mga awtoridad noon, lumabas na maraming ilegal na gawain ang nangyayari sa loob ng nasabing POGO na pinasok ng PAOCC sa Bamban, Tarlac.
Napatunayang maraming scam hub sa loob ng establisyementong napasok ng mga awtoridad partikular ng “love scams” at “investment scams”.
Bukod pa rito, may mga kaso ring naitala ng pananakit sa mga Chinese na trabahador sa loob ng natimbog na POGO hub.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang lupang tinayuan ng nasabing POGO hub ay pagmamay-ari ng Baofu Land Development Incorporated.
Kung saan, ayon sa mga dokumento ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong 2019, lumitaw na isa sa mga incorporator ng Baofu ay walang iba kundi si Guo.
Subalit mariin namang itinanggi ni Guo noon na wala siyang kinalaman sa POGO dahil binili niya lang umano ang lupa at saka ibinenta sa mga negosyanteng Chinese.
Dito nagsimulang lumalim ang pagdududa ng mga senador, partikular ni Sen. Risa Hontiveros, kay Alice Guo.
Habang nangyayari noon ang imbestigasyon patungkol sa POGO at kay Guo sa mga pagdinig ng Senado, lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na tumutugma ang fingerprint ni Alice Guo sa fingerprint din ng isang Chinese national na nagngangalang Guo Hua Ping.
Matapos nito, agad na sinampahan ng kaso ng Department of Justice (DOJ) si Guo ng tax evasion, falsification at graft kasama ang 13 indibidwal na may koneksyon sa kaniya.
Ngunit sa kalagitnaan ng lahat ng ito, biglang nawala si Guo at naiulat na namataang palihim itong lumabas ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: 'May ebidensya!' Alice Guo, namataan sa Kuala Lumpur airport noong Hulyo -- PAOCC
Sa ulat ng GMA News noong Agosto 22, 2024 ipinakita ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz ang larawang kuha umano sa loob ng Kuala Lumpur International Airport sa Malaysia.
Makikita sa larawang may kausap noon si Guo na isang babae habang naghihintay daw sila ng kanilang flight sakay ng Jet Star Asia airways flight 686 patungong Singapore.
Ngunit kalaunan, nahuli siya ng Directorate General of Immigration at ng Indonesian National Police sa bansang Indonesia.
Isinuko ng awtoridad mula sa nasabing bansa si Guo at naibalik siya sa Pilipinas noong September 4, 2024.
KAUGNAY NA BALITA: Alice Guo, na-turn over na sa PH authorities
Pinangunahan nina noo’y Department of Interior and Local Government (DILG) Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Francisco Marbil, na nagtungo sa Jakarta, Indonesia, ang pag-turn over ng Indonesian authorities kay Guo.
Setyembre 6, 2024 inilabas ng Philippine National Police ang mugshot mula sa pagkakaaresto kay Guo pagkabalik niya sa Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: TINGNAN: Mugshots ni Alice Guo, inilabas ng PNP
Simula dito, kinailangang dumalo ni Guo sa mga naging pagdinig ng Senado noon kaugnay sa pag-iimbestiga sa kasong kinakaharap niya sa pagpapanggap umanong Pilipino at pagiging espiya umano ng mga Chinese.
Setyembre 16, 2024 muling sinampahan ng kasong human trafficking ng DOJ si Guo ayon umano sa mga napatunayang lumabag siya sa Anti-Trafficking in Persons Act batay sa mga tala at isinawalat ng mga tumestigo noon laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Alice Guo, pinakakasuhan na ng DOJ ng 'qualified human trafficking'
Setyembre 19, 2024 ipina-cite in contempt ng quad-committee ng Kamara noon si Guo dahil umano sa pagsisinungaling at pag-iwas sa tanong ng mga kongresista.
KAUGNAY NA BALITA: Alice Guo, pina-cite in contempt ng House quad-committee
Ginawa ni Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang mosyon na inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers matapos walang tumutol dito.
Idinetain noon sa PNP custodial center sa Camp Crame si Guo habang gumugulong ang patuloy na pag-iimbestiga sa mga kasong kinasasangkutan niya.
Setyembre 23, 2024 inilipat si Guo sa Pasig City Jail.
KAUGNAY NA BALITA: Alice Guo, nailipat na sa Pasig City Jail
Sa inilabas na ulat noon ng ABS-CBN News, sinakay si Guo sa isang coaster bus kasama ang iba pang mga sasakyan na bahagi ng convoy niya patungong Pasig City Jail Female Dormitory.
Ngunit ngayong Setyembre 6, 2025 kung saan anibersaryo ng araw na ito mula noong ilabas ng PNP ang mga mugshots ni Guo, nasaan na nga ba siya ngayon at kasalukuyang nakakakulong pa rin ba siya?
Ayon sa naging imbestigasyon ng Reporter’s Notebook, inilabas nila nitong Biyernes, Setyembre 5 sinabi ni PAOCC Director Usec. Gilbert Cruz na nakulong pa rin sa Pasig City Jail si Guo hanggang ngayon.
Muli na naman siyang nasampahan ng 20 bagong kaso ng DOJ na kaugnay sa trafficking, money laundering at falsification of identity at bukod pang 62 mga kasong laban sa kaniya noong May 23, 2025.
Mc Vincent Mirabuna/Balita