December 14, 2025

Home BALITA Metro

Yorme, pinangunahan ang inagurasyon ng Baseco Hospital sa Tondo

Yorme, pinangunahan ang inagurasyon ng Baseco Hospital sa Tondo
Photo courtesy: Manila Public Information Office (FB)

Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang inagurasyon ng bagong Baseco Hospital sa Tondo, Maynila nitong Biyernes, Setyembre 5. 

Ayon sa Facebook post ng Manila Public Information Office, ang pagbubukas ng President Corazon C. Aquino General Hospital o kilala rin bilang “Baseco Hospital” ay isang fast-tracked construction sa pagbabalik ni Domagoso sa pagka-alkalde ng Maynila. 

“This hospital may serve at least 80,000 people, from Intraport to Baseco. Yan, isang kembot niyo lang," aniya.

Ang Baseco Hospital ay handog para sa mga residente ng Baseco Compound na kinokonsiderang “urban poor settlement at geographically isolated and underserved,” at mga kalapit barangay nito.

Metro

Misis, sinaksak ng mister sa leeg

Sa three-story building na ito, na may 50-bed capacity, ang ospital ay mayroong mga serbisyo at kagamitang medikal tulad ng 24/7 fully operational emergency room, community-inclusive outpatient department, botika, isolation wards, centralized oxygen supply, maternity, pediatrics, at internal medicine. 

“Today, we’re showing, at least, remembering those lines, na pagmalasakitan nang higit ang mga tunay na nangangailangan,” saad ng alkalde. 

Ang pagpapangalan din ng ospital kay dating Pangulong Cory Aquino ay isa rin daw na paraan para alalahanin ang legasiya at simbolo nito sa demokrasya ng bansa. 

“To honor former President Corazon C. Aquino, in our own little way, no matter what, walang pulitika, we always give credit where it’s due," pagbibigay-pugay ng alkalde. 

Kinilala rin ni Domagoso ang kadalasang reklamo ng karamihan tungkol sa mga pampublikong healthcare workers, at nanawagan siya ng pag-intindi rito dahil sa kadalasang kakulangan sa mga kagamitan at suporta.

“May mga kwento na masungit daw ang nurse, masungit ang doktor… lagi niyo isasaisip at isasapuso, tao rin sila. Napapagod, napupuyat, kahit gaano pa kadalubhasa ang doktor at nurse, there is nothing they can do kung wala naman silang gamit,” aniya. 

At bilang parte ng kaniyang “Bilis Kilos” 10-point agenda, tiniyak ng alkalde na tutuunan ng kaniyang pamamahala ang “minimum basic needs” ng mga tao tulad ng pabahay, edukasyon, healthcare, at mga trabaho. 

“Mapapansin ninyo, muling namuhunan sa kanyang pamayanan at mamamayan sa pamamaraang mas epektibo. Doon ko kayo dadalhin. Loobin nawa ng Diyos, bigyan ako ng kakayanan at resources, hindi ako titigil,” paggarantiya niya. 

Sean Antonio/BALITA