Tila may pasaring si dating Presidential Spokesperson Harry Roque laban kay Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Setyembre 4, 2025, inihalintulad niya ang nasabing solon sa flood control project.
“Habang [ang] bansa [ay] nilalamon ng baha at iskandalo, si Zaldy Co parang flood control din—'di mo makita kahit saan,” ani Roque.
Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Co matapos masiwalat ang isyu ng anomalya at korapsyon sa implementasyon ng flood control project, kung saan sinasabing sangkot umano siya sa isa sa mga kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na siyang nakakulimbat ng pondo mula sa nasabing proyekto.
Maki-Balita: KILALANIN: Sino-sino may-ari ng 15 contractor companies na pumaldo sa pondo ng flood control project?
Samantala, nitong Huwebes din nang kumpirmahin ni House Spokesperson Princess Abante na kasalukuyang nasa United States si Co para umano sa medical treatment.
“I made an initial inquiry sa Office of the Secretary General. Sa pagkakaalam ko, he's currently out of the country. I understand na sa United States siya for medical treatment with appropriate travel documents. Kung ano yung mga travel documents na 'yon, wala pa kong copy. So I still need to coordinate further with the Office of the Secretary General,” saad ni Abante.
KAUGNAY NA BALITA: ‘For medical treatment?’ Rep. Elizaldy Co,kumpirmadong nasa labas ng bansa—House Spox