Ibinunyag ng Social Weather Station (SWS) nitong Martes, Setyembre 2, ang resulta ng kanilang Second Quarter 2025 Social Weather Survey, kung saan 35% ng mga nakibahaging Pinoy ay masasabing naging mas maayos umano ang kanilang pamumuhay.
Ang nasabing sarbey ay isinagawa mula Hunyo 25 hanggang Hunyo 29, na may sample size na 1,200 mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang mga nakibahagi rin sa pag-aaral na ito ay nasa edad 18 pataas, at mayroong margin na ±3%.
Napag-alaman din sa pag-aaral na ito na 23% naman ng mga respondents ng sarbey ay masasabing mas naging mahirap ang kanilang buhay, at 42% naman ang nagsabing nanatili o walang pagbabago ang kanilang estado sa nagdaang taon.
Ayon sa website ng SWS, ang pag-aaral ukol sa “assessment” ng mga Pinoy kung may nagbago ba sa kalidad ng kanilang pamumuhay sa loob ng 12 buwan ay naisagawa na ng humigit-kumulang 162 beses simula pa noong Abril 1983.
Base sa resulta, ang mga nagsasabing umaalwan o umaayos ang kanilang pamumuhay ay laging negatibo o mababa, hanggang sa tumungtong ang taong 2014. Nang sumapit ang 2015, paunti-unting umangat ang porsyento ng mga taong nagsasabi na gumiginhawa na umano ang kanilang estado; ngunit nang nag-pandemya, biglaan ang pagbaba nito dulot ng lockdowns at pagkawala ng trabaho.
Naging iba-iba ang resulta matapos ang pandemya, tataas at bababa, hanggang sa malaki na ang itinaas na porsyento nitong Hunyo 2025.
Vincent Gutierrez/BALITA