December 22, 2025

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

ALAMIN: Bagong tuklas na uri ng buwaya, saan nga ba makikita?

ALAMIN: Bagong tuklas na uri ng buwaya, saan nga ba makikita?
Photo courtesy: Unsplash (Representation only)

Kamakailan lamang ay kinabiliban ng mga netizen ang pagkakatuklas ng isang uri ng buwaya na tila naglalakad sa lupa at nanginginain ng mga dinosaur.

Isang pambihirang pagkakataon ay inilabas ng mga paleontologist sa Argentina ang isang bagong uri ng sinaunang buwayang mabangis na nabuhay higit 70 milyong taon na ang nakararaan.

Ayon sa mga ulat, ang hayop na ito ay hindi lamang nabuhay kasabay ng mga dinosaur, kundi aktibong nangangaso pa ng maliliit at katamtamang laki ng mga ito.

Pinangalanan ng mga eksperto ang nabanggit na buwaya bilang "Kostensuchus atrox" na kabilang sa lahing Peirosauridae na matagal na umanong na-extinct o naglaho.

Kahayupan (Pets)

Alagang pusa, nategi dahil sa maling pagkakaunawa sa ‘pampatulog’

Sinasabing natagpuan ang mga labi o fossils nito sa El Calafate, Santa Cruz Province, sa pamumuno ng mga batikang paleontologist na sina Fernando Novas at Diego Pol, kasama ang mga katuwang mula sa Japan.

Batay sa mga ulat, natuklasan ang isang halos kompletong bungo na umaabot sa 50 centimeter ang haba, pati malaking bahagi ng katawan.

Sa pagsusuri, sinasabing naglalakad ang mga buwayang ito sa lupa, at mas aktibo ang pamumuhay sa lupa kaysa sa tubig, isang katangian na kabaligtaran ng mga kasalukuyang uri.

Tinatayang may habang mahigit tatlong metro o sampung talampakan, sapat upang maituring na pangunahing maninila sa kapaligirang ginagalawan nito. Kapansin-pansin din ang porma ng bungo—mas pino ngunit matibay, maikli at malapad—na nagbigay sa hayop ng kalamangan sa pangangaso. Mayroon itong higit limampung ngipin na matutulis at talim na kayang humiwa ng laman, ang ilan ay humahaba ng mahigit limang sentimetro. Pinatitibay pa ito ng malalim na ibabang panga na nagpapahiwatig ng napakalakas na kagat.

Hindi tulad ng mga modernong buwaya na madalas manatiling nakalubog sa tubig, ipinapakita ng istruktura ng Kostensuchus ang pagiging mas panlupa: mataas ang bungo, nakapuwesto sa gilid ang mga mata, at nakaharap sa unahan ang mga butas ng ilong.

Para sa mga eksperto, hindi lamang ito bagong piraso ng kasaysayan ng buhay sa daigdig kundi isang mahalagang susi sa pag-unawa kung gaano kalawak ang papel na ginampanan ng mga sinaunang buwaya sa ekolohiya ng Timog Amerika bago ang malaking pagkalipol 66 milyong taon na ang nakalipas.