Nakikiramay ang Quezon City Police District (QCPD) sa mga naulila ni Carl Jayden Baldonado, ang mag-aaral na nasawi nitong Miyerkules, Agosto 27, matapos mahulugan ng debris sa isang condominium unit sa Tomas Morato, Quezon City.
Ibinahagi ng QCPD ang kanilang pakikiramay sa isang Facebook post nitong Huwebes, Agosto 28.
“The Quezon City Police District (QCPD) extends its deepest sympathies and condolences to the family of one of the three minors injured in the falling debris incident that occurred on August 12, 2025, in front of Atherton Place Condominium along Tomas Morato Avenue, who has passed away. We stand with the bereaved family during this painful time and assure them of our unwavering commitment to seek justice,” ani QCPD.
KAUGNAY NA BALITA: Isa sa mga mag-aaral na nahulugan ng debris ng condo sa QC, pumanaw na-Balita
Inihayag din ng pulisya na mayroon nang nakatokang awtoridad upang tutukang maigi ang kaso.
“In line with this commitment, a Special Investigation Team (SIT) was immediately created to focus solely on the case. The SIT has already convened three times, carefully examining all aspects of the incident under the guiding principle of leaving no stone unturned,” anila.
Ayon sa resulta na ibinahagi ng SIT, napag-alamang may “visible cracks” nga ang harapang bahagi ng Unit 8-D, kung saan may naka-install na mga antenna. Anila pa, ang mga pag-uga (vibrations) mula sa pagbabarena (drilling) at paglalagay ng antenna ay maaaring nakaapekto sa pagkakaluwag at pagkakatanggal ng mga plaster sa nasabing unit.
Nakausap at nakipagkita na rin ang pulisya sa pamilya ng biktima at sa stakeholders, kabilang na ang mga representante ng kasangkot na kompanya. Nakalap na rin ang mga dokumento na makatutulong sa kaso.
Siniguro naman ng QCPD ang publiko na nakikipagtulungan ang awtoridad sa mga partner agencies nito upang mabigyan ng hustisya ang namayapang menor de edad, pati na rin ang pamilyang naulila nito.
Matatandaang nag-abot din ng pakikiramay ang pamahalaang lokal ng Quezon City matapos matanggap ang malungkot na balita.
KAUGNAY NA BALITA: 2 estudyante nabagsakan ng debris sa QC, kritikal; 1 pa sugatan-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA