Sa dalang saya at “comfort” ng mga alagang hayop, hindi nakapagtatakang labis ang dala nitong sakit kung sakaling sila ay mamayapa na.
Tuwing Agosto 28, ginugunita ang “Rainbow Bridge Remembrance Day,” kung saan inaalala ang mga alagang hayop na tuluyan nang tinawid ang kabilang ibayo ng bahaghari o idyomatikong pahayag na nangangahulugang sumakabilang-buhay na.
Sa iksi ng kanilang buhay, paano nga ba lalampasan ang bigat na dulot ng pagkasawi ng mga alagang hayop, lalo kung napamahal na ito nang sobra sa kaniyang amo?
1. Unawain na ang iyong pagdadalamhati ay “valid”
Ang emosyonal na pagkawasak at paghihirap ay normal kung halimbawang ang alagang hayop ng isang tao ay masawi, lalo na kung sa paraan ng sakit at aksidente.
Nakaangkla rin ito sa prinsipyo ng mga tao na ang mga alaga ay para na ring parte ng pamilya, kung kaya’t kapag ito ay nawala, para na ring literal na nawala ang isa sa iyong mahal sa buhay.
2. Gumawa ng mga pisikal na memoryal
Ang paglikha ng mga pisikal na memoryal ay isang mabisang paraan upang maibsan ang sakit na dala ng pagkasawi ng alagang hayop.
Sa tulong ng mga memoryal na ito, parang hindi na rin sila namatay, sapagkat nakikita mo pa rin sila dahil sa wangis na ipinapakita ng mga ito.
3. Makibahagi sa mga “support group”
Isang paraan din upang mabawasan ang pagdadalamhati ay tuklasin at alamin na hindi lamang ikaw ang nakararanas ng ganitong sakit.
Sa panahong malaman mo na ikaw ay may kaparehong karanasan, matutulungan n’yo ang isa’t isa upang muling maging maayos at mabawasan ang sakit na nadarama.
Maaari ka pang makakilala ng mga kaibigang may parehas na interes sa’yo dahil sa paraang ito.
4. Siguraduhin na ang pamilya ay kasama sa “healing stage”
Mahalaga na nauunawaan ng iyong pamilya ang iyong pinagdaraanan, sapagkat sa lahat ng tao sa mundo, sila ang unang dapat makaunawa sa’yo.
Mas magiging madali rin ang “healing process” kapag nakita mo na may mga taong nakapaligid sa’yo na handa kang tulungan sa iyong pinagdaraanan.
5. Pagtanggap sa reyalidad
Isa sa mga pinakamabisang paraan kung paano makalimot o mabawasan man lang ang sakit na iyong dinadanas sa pagkawala ng iyong alaga, ay ang simpleng pagtanggap na ito ay wala na.
Tandaan na hindi natatapos sa pagkamatay ng iyong alaga ang inyong pagmamahalan, sapagkat kayo ay nakabuo ng mga alaala na dadalhin mo hanggang sa iyong pagtanda.
Iba-iba ang paraan ng tao kung paano humarap sa dalamhati at hinagpis, ngunit mahalaga na may mga taong nakapaligid sa’yo na handa kang tulungan at ipaunawa sa iyo ang lahat.
Tumawid man sila sa kabilang ibayo ng bahaghari, ang pagmamahal at alaala nila ay siguradong hindi mapapawi.
Vincent Gutierrez/BALITA