Sumakabilang-buhay na si Carl Jayden Baldonado, isa sa mga mag-aaral na nahulugan ng mga debris mula sa isang lumang condominium unit sa Tomas Morato, Quezon City.
Ang malungkot na balitang ito ay kinumpirma ng kaniyang amang si Jason Baldonado sa isang Facebook post.
“Kuya CJ, Carl Jayden Baldonado, sorry sa lahat ng pagkukulang ko bilang isang tatay. Pinakamasakit bilang isang magulang ang maghatid ng anak sa hukay,” ani Baldonado sa caption.
“Tapos na [r]in ang paghihirap mo, kuya CJ. Binigyan mo kami ng magandang laban, pinagbigyan kami ng Panginoon ng 2nd chance na makasama ka para makapagpaalam,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Baldonado na alam niyang ang lahat ng nangyari ay may dahilan, at nangako itong aalagaan ang mga kapatid at ina ni Carl na naulila nito.
“Alam ko narinig mo kami sa panahong lumuluha ka ‘pag kausap ka namin. Huwag mo kami pabayaan kuya. Masakit pero alam ko lahat may purpose si Lord,” aniya.
“Samahan mo kami palagi sa mga pagdadaanan namin[g] pagsubok kuya. Mahal na mahal ka po namin sobra. Kahit ganito, hindi mo pa [r]in kami pinahirapan. Pangako ko sayo, hindi ko sila pababayaan mga kapatid mo pati si mama,” dagdag pa niya.
Inilahad niya rin ang pasasalamat at buong pagmamahal sa namayapang anak.
Matatandaang nahulugan si Carl ng malaking tipak ng semento, kasama ang kaniyang kamag-aral noong Agosto 12, at sila ay dumaan pa sa isang medical treatment.
MAKI-BALITA: 2 estudyante nabagsakan ng debris sa QC, kritikal; 1 pa sugatan-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA