Tahasang ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros na naniniwala siya sa mga post na ang bansang Pilipinas ay hindi mahirap, bagkus ito umano ay “plundered” lamang.
Ibinahagi ng mambabatas sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Agosto 23, na dulot ng korapsyon, patuloy ang paghihirap ng maraming mga Pilipino.
“May nabasa ako sa Facebook: “The Philippines is not poor. We are plundered.” I could not agree more,” ani Hontiveros sa caption.
“Dahil sa korapsyon ng ilan — tulad nitong sa FLOOD CONTROL PROJECTS — patuloy na naghihirap ang karamihan,” dagdag pa niya.
Isiniwalat din ng senador na 20% ang nawawala sa budget ng Pilipinas dulot ng korapsyon.
“Sa estimasyon mismo ng gobyerno - nasa 20% o 1/5 ng kabuuang budget ng bansa ang nawawala taun-toan sa kurapsyon. Katumbas po yan ng tinatan[ty]ang 1.6 Trillion [p]esos na ninanakaw mula sa mga Pilipino kada taon,” anang mambabatas.
Ayon sa kaniya, kahit siya ay hirap unawain ang laki ng perang nawawala dahil dito.
“1.6 Trillion - kahit ako po ay nahirapan maintindihan kung ga[a]no kalaking pera yan. Chineck ko po, at sa 1.6 Trillion pesos - pwede na tayong mamigay ng tig-iisang milyong piso sa 1.6 million na tao,” ani Hontiveros.
“Nakakalula po. Lahat ng ‘yan, habang nalulunod na ang mga karaniwang Pilipino. Nalulunod sa taas ng presyo ng bilihin, sa trabahong hindi sapat ang kita, sa kalamidad, at sa kawalan ng tugon at serbisyo-publiko,” dagdag pa niya.
Matatandaang sinuportahan ng senadora ang pahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ukol sa umano’y “large-scale corruption” sa mga flood control projects sa iba’t ibang parte ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Lacson, 'di naniniwalang 'isolated case' sa DPWH ang isyu ng flood control-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA