Maging si broadcast-journalist Julius Babao ay nagsalita na rin matapos makaladkad ang pangalan sa isiniwalat ni Pasig City Mayor Vico Sotto patungkol sa mga journalist na tumanggap umano ng kaukulang bayad para kapanayamin sina Sarah at Curlee Discaya.
Bagama’t walang binanggit na pangalan ang alkalde kung sino ang journalists na tinutukoy niya, kalakip naman sa Facebook post ang screengrab mula sa interview ni Julius sa mag-asawa.
MAKI-BALITA: Vico Sotto, sinita mga journalist na umano'y tumatanggap ng bayad sa interview
Matatandaang si Sarah ay nakalaban ni Vico sa pagkamayor sa nakalipas na 2025 midterm elections.
Kaya naman itinanggi ni Julius ang bahagi ng pahayag ni Vico kaugnay sa ₱10M na tinanggap umano ng ilang mamamahayag bilang kaukulang bayad sa panayam.
“Walang katotohanang may 10 million na involved for this interview. Ang layunin ng vlog ay ma-inspire ang mga taong posibleng maging matagumpay kung magsisipag lang at didiskarte sa buhay,” saad ni Julius sa Cabinet Files ng Philippine Entertainment Portal (PEP).
Dagdag pa niya, "Very interesting kasi ang rags-to-riches story nila.”
Nilinaw din ni Julius na nangyari ang panayam sa mga Discaya noong hindi pa opisyal na kandidato at wala pang balak pumasok sa politika si Sarah.
Aniya, “No’ng mangyari ang interview, wala pang nabanggit na plano ang mag-asawa na papasukin nila ang politika.”
“Hindi pa din lumabas ang kahit anong isyu na may kinalaman sa kanilang mga government projects no’ng panahong ito. Ang nais lang nila noon ay ma-share ang kanilang success story sa publiko,” dugtong pa ni Julius.
Bukod dito, binanggit din ng broadcast-journalist na ang panayam sa mga Discaya ay hindi isang news report.
“Ito ay lifestyle feature para sa YT channel ko na naglalabas ng mga inspiring success stories,” paliwanag ni Julius.
Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang Korina Interviews at Rated Korina na kasama ring nadawit sa naturang isyu.
Maki-Balita: Programa ni Korina, pinabulaanang tumanggap ng ₱10M sa mga Discaya; Vico, pwedeng ma-cyber libel?
Anila, “There is no such thing as a P10 million placement for an interview. It is irresponsible to even say such, to say the least. As your malice is posted on Facebook and publicly besmirches the reputation of Ms. Sanchez, this clearly constitutes cyber libel.”